NANAWAGAN si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin para sa mga mamamayang apektado ng Bagyong Ursula, na nanalasa sa ilang panig ng bansa nitong bisperas at mismong araw ng Pasko.
Si Cardinal Tagle ang nanguna sa Christmas Eve mass na idinaos sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.
“Sa simula po, ipagdasal po natin ang mga kapatid natin, lalo na sa Visayas at Bicol area, na sa oras na ito ay nakakaramdam na ng epekto ng bagyong si Ursula. Talagang hindi natin mailalagay sa schedule ang katulad ng bagyo, subalit sa ating pakikiisa sa kanila, pananalangin, makakarating sa kanila ang diwa ng sambayanan. Kaya I’m inviting everyone to pause and in a moment of silence to pray for our brothers and sisters, living on the path of the typhoon that just entered the Philippine territory,” ayon kay Tagle.
Matapos ang ilang minutong katahimikan at sabay-sabay na panalangin, sinabi ni Tagle na taon-taon tayong nagdiriwang ng Pasko at taon-taon ay paulit-ulit din aniya ang mga naririnig na pagbasa sa mga banal na misa, ngunit binigyang-diin na ang pagsilang ni Hesus ay hindi kailanman maluluma.
“Pero taon-taon ay may bago pong bagay na parang ipinamumulat sa atin. Ang kuwento ng pagsilang ni Hesus ay hindi kailanman magiging luma, lagi siyang sariwa. The story of the birth of Christ is repeated every year but it never grows old or stale. It remains fresh every time we reflect on the meaning and the significance of the incarnation,” bahagi pa ng kanyang homiliya.
“Sa gabing ito, ibig ko pong magbigay ng pansin sa isang mahalagang salita. Kanina sa news, sabi po nu’ng reporter, “sige kayong mga kababayan namin na nasa daraanan ng bagyo alalahanin n’yo, na Pasko pa rin kahit na kayo ay nasa evacuation center. Pasko pa rin, ipagdarasal naming kayo. Sana maging ligtas kayo. Christmas will come, even if you are in the evacuation centers, we pray for you and be safe. That’s safe. That’s Christmas, be safe,” aniya.
Ipinaliwanag ni Tagle na ang tunay na diwa ng Pasko ay pagliligtas ng Diyos at ang biyaya na kanyang ipinagkaloob sa sanlibutan.
Binigyang-diin niya na ang Pasko ay tungkol sa pagliligtas ng Pasko dahil ang sumilang ngayon ay ang “manunubos,” o tagapagligtas, na siyang tunay na kahalugan ng pagsilang ni Hesus.
Ang kaligtasan aniya ay hindi natin kailangang angkinin o hingiin dahil ito’y kusang ibinibigay ng Panginoon sa atin.
Dagdag pa ng Cardinal, isa ito sa dapat pagnilayan ngayong Pasko, at ito aniya ang pamimili kung magpapaligtas sa Panginoon.
Aniya, nakikita niya kasi sa ngayon na tila ba tuwang-tuwa ang mga tao na kapag ang mga taong ‘di nila gusto ay napapahamak.
“Hindi na salvation e, hindi na kaligtasan ng iba ang gusto. Ang hanap pa nga minsan ay kapahamakan. Tina-trap tapos iba-blackmail. At kapag trapped na trapped na ay tuwang-tuwa pa,” aniya.
Sinabi ni Tagle na hindi ganito ang mga anghel dahil ang tao ay hindi dapat na maghangad ng masama para sa kanyang kapwa.
Paliwanag pa niya, ang paghahangad ng masama para sa kapwa ang siyang ‘nagpapadilim ng mundo’ at dito rin nababalewala ang kahulugan ng Pasko na pagliligtas ng kapwa.
Pinuna rin ng cardinal na ang mga taong nagnanais na magligtas ng iba ay siya pang tinutuligsa sa ngayon, at hindi aniya ito ang tunay na kahulugan ng Pasko.
Aniya pa, dapat na ang mga tao ay sumama kay Hesus para sa pagliligtas at pagtubos ng kapwa at hindi sa ikapapahamak o ikasisira ng iba. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.