PATULOY na nadaragdagan ang bilang ng mga biktima ng paputok na naitatala sa bansa.
Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH), dalawang araw matapos ang pagsalubong sa Taong 2019.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, nadagdagan pa ng 52 ang 236 kaso na naitala nilang fireworks-related injuries (FWRI) mula noong Disyembre 21, sanhi upang umakyat na ito sa kabuuang bilang na 288 ngayon.
Sa kabila naman nito, ipinagmalaki ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 43% kumpara sa kahalintulad na reporting period noong 2018.
“This number is 218 (43%) cases lower compared to the same reporting period in 2018 and 547 (66%) cases lower than the 5-year average,” pagmamalaki naman ng DOH.
Ang 52 bagong kaso na naitala lamang mula 6:00 ng umaga ng Enero 2, 2019 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 3, 2019, ay mula sa National Capital Region (NCR), na may 27 kaso; Regions VI, VII at III, na may tig-5 kaso; Regions I, XII at IV-A, na may tig-tatlong kaso, at isa naman sa Region IX.
Sa kabuuang bilang, dalawa ang insidente ng fireworks ingestion, 230 ang nagtamo ng sugat/lapnos sa iba’t ibang bahagi ng katawan, 10 ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan, at 76 ang nagtamo ng eye injury.
Nasa edad 2 hanggang 75 naman ang mga nasugatan na karamihan sa kanila ay mga lalaki (231 kaso) habang ang median age ay 16-taong gulang.
Nangunguna pa ring sanhi ng pagkasugat ng mga biktima ay kwitis (65 kaso), luces (29), Piccolo (20), boga (18), at 5-star (16). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.