BAGAMAN paulit-ulit na nagpapaalala ang sanib-puwersa ng Department of Health, Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na huwag nang gumamit ng ilegal na paputok, asahan pa rin na mayroong matitigas ang ulo.
Kaya naman isang eksperto ang nagpaalala na bago maging pasaway sa New Year’s Eve, ikonsidera ang tunay na nagaganap sa operating room kung saan ang pasyente ay tinamaan ng paputok.
Ayon kay Dr. Ted Esguerra, isang emergency medical physician na pinakadelikadong firecracker injury ay ang mawakwak ang bahagi ng katawan na tinamaan.
Aniya, may tiyansang maisalba ang mga ito kung tama ang gagawin gaya ng pagkontrol sa pagdurugo.
Subalit ang pinakadelikado ay ang tamaan ang artery o litid dahil posibleng maging dead on the spot o segundo lang ang buhay.
“Ang artery ay ugat na nagsu-supply ng dugo sa puso, kapag ito ang tinamaan seconds to 5 minutes ay mamamatay ang pasyente,” ayon kay Esguerra.
“Kaya sa ganitong responde, dapat mabilis ang kilos, painful ito pero kung makakapagsalba naman ng buhay,” dagdag pa ni Esguerra.
Magugunitang puspusan ang operasyon ng pulisya laban sa illegal firecracker at maging ang bentahan sa online ay binabantayan ng PNP-Anti Cybercrime Group kung saan mayroon nang apat katao ang naaresto.
Hanggang Disyembre 29, sa datos ng PNP, 15 ang nasugatan sa paputok habang sa DOH ay mayroon nang 87.
Kahapon, iniulat na 96 na ang tinamaan ng paputok at a ang pinakabagong biktima qy 23-anyos na babae na tinamaan ng kwitis.
EUNICE CELARIO