HINIKAYAT ng Quiapo Church officials ang mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na kung maaari ay manatili na lamang sa kanilang mga bahay matapos na kanselahin ngayong taon ang pagdiriwang ng tradisyonal na Traslacion para sa pista ng Quiapo.
Ayon kay Msgr. Hernando Coronel, ang parish priest ng Quiapo church, maaari namang sa kanilang mga tahanan na lamang manalangin ang mga deboto o ‘di kaya ay magtungo sa mga simbahan.
Aniya pa, mayroon naman silang ipinapamahagi sa Facebook na mga panalangin sa Nazareno para sa pamilya.
Dinagdagan din ng simbahan ang mga misa sa Quiapo Church para hindi magdagsaan ang mga tao at makasunod pa rin sa ipinatutupad na health protocols.
“Kung gusto ni’yong lumabas, sa parokya ninyo, ‘yung replica ng Nazareno nasa Sta. Cruz, dinagdagan nila mga misa nila,” ayon pa kay Coronel, sa panayam sa radio at telebisyon.
Matatandaang walang traslacion na magaganap ngayon para sa pista ng Poong Nazareno dahil sa banta ng pagkalat ng COVID-19.
Ang naturang aktibidad, na isa sa itinuturing na pinakamalaking relihiyosong aktibidad sa Filipinas, ay dinadagsa ng milyon-milyong deboto tuwing Enero 9.
Gayunman, sinabi ni Coronel na, “Tuloy pa rin ‘yung dungaw sa San Sebastian. Maraming misa po.”
Maglalagay rin aniya sila ng mga LED monitors sa mga simbahan para hindi magsiksikan ang mga deboto.
Ikinatuwa naman ni Coronel na ang barangay kung saan matatagpuan ang Quiapo Church ay wala umanong kaso ng COVID-19.
“Lagi kaming nakikipag-ugnayan sa IATF (Inter-Agency Task Force) regional at LGU (local government unit). Ang barangay namin, barangay 307, COVID-free for the past 2 months, binigyan ng gantimpala P100,000 ni Yorme (Manila Mayor Isko Moreno) ang barangay kung nasaan ang Quiapo church,” aniya.
Samantala, ganito rin naman ang panawagan ni Father Douglas Badong sa mga deboto.
Ayon kay Badong, ang Poon ng Nazareno ay iikot naman sa mga simbahan.
“Dadalhin na sa inyong lugar ang Nazareno kaya huwag na ninyo siyang puntahan, maari din naman makinig ng misa online,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.