(Mga drayber tinakot) LACSON-SOTTO FACE MASK BAWAL SA MAYNILA

PUWEDENG isuot pero dapat na baligtarin at ipaloob ang bahaging may pangalang Lacson-Sotto at ang blangko o walang marka ang nasa labas.

Ito ang naging karanasan ng ilang padyak, tricycle at kuliglig drivers sa mga piling bahagi ng lunsod ng Maynila na gumagamit ng facemask na may marka ng mga pangalan nina Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson at running mate na si Tito Sotto sa hangarin na magkaproteksiyon sa hangin na posibleng kontaminado ng COVID-19.

Sa mga kandidatong tumatakbo sa pambansang posisyon, ang Lacson-Sotto tandem ang nakaisip na mamahagi ng libreng facemasks upang mabawas-bawasan ang gastos ng mga mahihirap sa proteksiyon laban sa pandemya.

Partikular na nakaranas ng ganitong pangyayari batay sa mga impormasyong naglalabasan ay ang mga traysikel at padyak drivers sa bahagi ng Tondo, Binondo, Quiapo, Abad Santos at Divisoria na kung saan bukod sa pagpapabaligtad sa suot na facemask ay pinagbabawalan ding magkabit ng Lacson-Sotto tarp sa kanilang mga sasakyang panghanapbuhay.

“Mga sir magandang gabi po sa area ng district 1 Tondo sinisita ng mga police mga tarp nakalagay sa tricycle pinagbabawal tapos yong facemask pinababaliktad po ‘yan po report ng tao natin,” banggit ng impormante ng naturang pangyayari.

Ayon pa sa sumbong, dalawang pulis umano ang naninita sa mga nagsusuot ng facemask na kita ang marka ng Lacson-Sotto upang mapilitan ang mga may-suot na itago ang marka at ang blangkong bahagi ang ilantad.

“Yan po txt sa akin Yong sa tarp d na ako nagsabi po sa inyo pero sa facemask iba na pong usapan na to yong tarp simula pinaalis sa tricycle sa bahay na nilalagay nagawan ng paraan pero facemask na babaliktarin nakakabastos na po,” lahad pa ng impormante.

Ayon pa sa source, marami umanong Lacson-Sotto facemasks at tarp ang mga traysikel at padyak drivers pero sa halip na gamitin ay itinatabi na lamang sa bahay sa pangambang maperhuwisyo ang kanilang pamamasada araw-araw.

Isa umanong opisyal ng pulis na taga-Moriones sa Tondo ang posibleng nasa likod ng pananakot sa mga padyak at traysikel driver.

Ang mga impormante na ayaw munang magpabanggit ng pangalan ay nakatakdang magtungo sa headquarters ng Partido Reporma at sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para idulog ang pandadahas na kanilang dinaranas dahil lamang sa pagsusuot ng Lacson-Sotto facemask sa hangaring magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19.