“DARATING ako sa lalong madaling panahon. Kaya’t ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala.” (Pahayag 3:11)
Kung mayroong Diyos, may lumikha sa atin. Ang lahat ng bagay na makikita sa daigdig ay may layunin. Hindi aksidente ang anuman. Kung may Diyos, may pananagutan ang mga tao. May huhusga sa ating mga kapasiyahan at kilos. Ang gumagawa ng mabuti ay gagantimpalaan; ang gumagawa ng masama ay parurusahan. Kung may Diyos, ang buhay sa lupa ay hindi ang naiisang buhay. May buhay pagkatapos ng buhay sa lupa. May kayamanan sa lupa at may kayamanan sa presensiya ng Diyos. Ang buhay sa lupa ay mas mababa at maikli. Ang buhay sa presensiya ng Diyos at mas mataas at walang hanggan. Ang kayamanan sa langit ay ang tunay na kayamanan.
Importanteng malaman at matiyak na mayroong Diyos sapagkat Siya ang tunay na kayamanan at pinagmumulan ng kayamanan. At marami ang mga katibayang may Diyos. Una, may katibayan ng disenyo (Teleological Proof). Ang pagkakaroon ng kaayusan at matalinong disenyo sa daigdig ay ebidensiya na may taga-disenyo na ubod ng talino. Ang talino ng lumikha ay walang hanggan. Dahil napakalawak ng sansinukob, ibig sabihin ay napakadakila ng Lumikha. Siya ang istandard ng katalinuhan. Matatawag lamang na matalino ang isang tao kung nakalinya ang talino niya sa talino ng Lumikha. Kung taliwas sa kalooban ng Diyos ang ginagawa ng isang tao, hindi siya matatawag na matalino; matatawag siyang hangal. Ang tunay na kayamanan ay ang nakakamit sa pamamagitan ng maayos at mabuting paraan tulad ng kasipagan, pagtitipid, pagnenegosyo, at pagbibigay. Ang kayamanang galing sa krimen o panloloko ay hindi katanggap-tanggap na kayamanan. Dapat hatulan ng batas ang gumagawa ng masama at parusahan.
Pangalawa, may katibayan ng pinagmulan ng lahat (Cosmological Proof). Hindi puwedeng basta magkaroon ng anumang bagay mula sa wala. Pag may bahay, dahil ito sa may gumawa ng bahay. Kung may eroplano, dahil ito sa may gumawa ng eroplano. May daigdig dahil may gumawa ng daigdig. Ang wala ay galing sa wala. Ang mayroon ay dahil may gumawa noon. Sino ang gumawa ng lahat ng bagay? Dahil ang mga bagay na makikita sa daigdig ay ubod ng dakila, ang lumikha ay dapat napaka-dakila. Dahil ang daigdig ay puspos ng kaayusan at sukdulan ng kagandahan, ang lumikha ay dapat napakatalino. Tinatawag ng mga Kristiyano ang Lumikha na Diyos.
Pangatlo, may katibayan ng kahiwagahan ng tao (Anthropological Proof). Ang tao ay ubod ng talino. Nakagagawa siya ng mga makina, mga dambuhalang sasakyang pandagat, sasakyang panghimpapawid, at sasakyang panlupa. Nakagagawa rin siya ng mga sasakyang pangkalawakan na umaabot sa ibang planeta at hanggang lampas sa solar system. Nakagagawa rin siya ng mga dambuhalang gusali na umaabot sa alapaap. Halos walang katapusan sa kayang gawin ng tao. Kung ganito katalino ang tao, at siya ay nagmula sa isang Maylikha, kung gayon ang Diyos na Maylikha ay dapat ubod din ng talino. Saan mang lugar, saan mang tribo sa mundo, sa kabundukan man o kapatagan, ang mga tao ay naniniwala na mayroong Maylikha. Iba-iba nga lang ang interpretasyon nila sa Maylikha (sabi ng iba ay maraming diyos; ang sabi naman ng iba ay iisa lang ang Diyos), subalit nagkakaisa sila na hindi galing sa wala ang lahat ng bagay. Dapat na may lumikha sa lahat ng bagay sa mundo. Universal o pandaigdig ang paniwala ng tao na mayroong Diyos.
Pang-apat, may katibayan ng pagkakatugma-tugma (Congruity Argument). Kung walang Diyos, maraming katanungan na hindi masasagot ng tao. Saan galing ang daigdig? Saan galing ang talino ng tao? Saan galing ang disenyo? Saan galing ang mga araw at bituin? Saan galing ang mga espiritu? Ano ang sanhi ng lahat? Ano ang kahulugan ng buhay? Bakit tayo naririto sa lupa? Saan pupunta ang mga tao pag namatay? Ano ang layunin ng lahat ng nilikha? Ang daigdig ay parang puzzle o palaisipan. Mabubuo lang ang puzzle ng buhay at ang mga mabibigat na katanungan na hinaharap ng tao ay matutugunan lamang kung mayroong Diyos.
Panlima, may katibayan ng metapisika (Metaphysical Proof). Ang mundo ay hindi lang ang mga materyal na bagay. May mga hindi nakikitang kapangyarihan. May mga pangyayaring hindi masagot ng agham. Ang isa sa pinakamalaking milagro ay ang pagkakalikha ng buong daigdig. Sa buong kasaysayan ng tao, may mga himalang nangyayari na lampas sa maipapaliwanag ng isip ng tao. May mga espiritung mabubuti na tumutulong sa tao; tinatawag sila ng mga Kristyano na mga anghel. May mga espiritung masasama na nananakit sa mga tao. May mga mahiwagang black magic na ginagamit ng ilang masasama para manakit sa kapwa. Maipapaliwanag lamang ang lahat ng ito kung mayroong Diyos.
May ebidensiya ng kahiwagahan ni Cristo (Mystery of Christ). Mapatutunayan sa kasaysayan na talagang nabuhay si Jesu-Cristo dito sa lupa. Ang buhay niya ay puspos ng kahiwagahan at kapangyarihan. Maipaliliwanag lang ang buhay niya kung mayroong Diyos. At panghuli, may katibayan ng pambihirang karanasan ng mga Kristyano (Christian Experience of Changed Lives). Dating magulo at masama ang buhay ng ilan at nang isinuko nila ang buhay nila sa Diyos, nagbago ang buhay nila. Ang daming mga ebidensiya na mayroong Diyos. Kung may Diyos, Siya ang tunay na kayamanan at tunay na pinagmumulan ng lahat ng kayamanan.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)