(Mga elderly women sa barangay inirekomendang magpastol sa komunidad at pasunurin ang pasaway) MGA PULIS NA MEDIC AT NURSE PAKIKILUSIN VS COVID-19

Camilo Pancratius Cascolan

CAMP CRAME – BILANG tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat tumulong na rin ang mga pulis na nurse at doktor sa paglaban sa COVID-19,  si-nimulan na ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) ang pagrepaso sa information data ng mga alagad ng batas upang hanapin o i-consolidate  ang may background  sa medisina at nakatapos ng nursing course.

Kahapon, makaraan ang Monday Flag raising ceremony ay pinulong ni Cascolan ang  miyembro ng ASCOTF kasama ang PNP-Health Service, Logistics at maging sa PNP Crime Lab upang hanapin ang mga personnel na nurse at medic.

Magugunitang sa talumpati ng pangulo noong Linggo ng gabi, sinabi nitong dapat tumulong na ang mga pulis na nurse at doktor gayundin ang mga reservist sa militar sa mga health worker.

Ang nasabing utos ng Pangulo ay tugon sa kahilingan ng mga health worker ng “time out” at pagsasailalim sa 2-week enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila upang makapagpahinga sila dahil sa matinding pagod sa mga ospital kasunod ng patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus.

Paglilinaw naman ni Cascolan na ang mga compromised na nurse/medic cop ay hindi nila isasalang bilang frontliner.

Halimbawa aniya  ang mga buntis o kaya naman ay hindi fit to work ay exempted sa special assignment bilang frontliner.

Sa ngayon aniya ay kino-consolidate na nila ang mga medic at nurse na pulis at bibigyan ng briefing para sa familiarity ng kanilang gagampanan gaya ng pagtulong sa swabbing at pangangalaga sa pasyente ng COVID-19.

Samantala, kasama rin sa natalakay ni Cascolan sa ASCOTF meeting ay ang kanyang rekomendasyon na pagbuo ng barangay enforcement team na siya ngayon pinakikilos ng Pangulo para maging matagumpay ang quarantine.

Kabilang sa kaniyang naisip na gamitin ang mga elderly women o mga respetadong kababaihan sa barangay na magsisilbing pastol at magbabaston para sumunod ang mga tao na manatili sa bahay sa panahon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na nagsimula kaninang madaling araw at magwawakas sa Agosto 18. EUNICE C.

Comments are closed.