Habang tayo’y nagmamasid lang sa mga pangyayaring kaugnay ng nagaganap na wildfire sa California ngayon, mahalagang maunawaan natin na ang mga epekto nito ay hindi lang limitado sa mga nasunog na istruktura at mga pamilyang nawalan ng tahanan. Ang pinsala nito sa ekonomiya na tinatayang nasa pagitan ng $52 bilyon at $57 bilyon ay nakababahala.
Para sa atin dito sa malayo, partikular na sa mga negosyante at namumuhunan, ang pangyayaring ito ay isang paalala tungkol sa mga panganib na kaakibat ng climate change at iba pang kalamidad.
Ang mga wildfires ay nagdulot ng matinding epekto sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya sa California. Bukod sa halaga ng ari-ariang nasira ay nasa higit 1,000 istruktura diumano ang nasunog, kasama na ang mga tahanan sa mga lugar gaya ng Santa Monica at Malibu.
Apektado nito ang pandaigdigang merkado, ngunit ang direktang pagkalugi mula sa pinsala sa ari-arian ay bahagi lamang ng kabuuang epekto ng naturang wildfires. Malaki rin ang epekto sa mga indibidwal dahil sa pagkawala ng kanilang kita.
Napakaraming aral ang mapupulot nating mga Pilipino mula sa pangyayaring ito, lalo na’t tayo rin ay humaharap sa iba’t ibang uri ng banta dulot ng mga natural na kalamidad gaya ng bagyo at lindol. Masasabing sanay tayo sa mga problemang kaugnay ng klima. Samakatuwid, mahalaga na matuto tayo mula sa mga pangyayaring ito upang tayo ay makapaghanda para sa mga darating na sakuna.
Ang paghahanda ay hindi lamang prayoridad ng pamahalaan, nakaatang din ito sa balikat ng pribadong sektor.
Panahon na upang suriin at patibayin ang mga imprastraktura. Mahalaga ring pagtibayin ang mga sustainable policies and practices para naman makatulong sa ating pagharap sa iba’t ibang uri ng kalamidad.
(Itutuloy…)