MAYO na naman at tulad ng dati, taon-taon, libo-libong mga Katoliko ang aakyat sa Antipolo upang magbigay-pugay sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje (Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay).
Para sa marami, hindi kumpleto ang summer nang hindi sila nakakaakyat sa Antipolo at nakapagbibigay-pugay sa Mahal na Birhen.
Noong bago magkaroon ng pandemya, may mga mananampalatayang nagtitipon sa EDSA Shrine (kilala rin sa tawag na Our Lady of Peace), upang sama-samang maglakad patungo sa dambana ng Antipolo. Kahit pa nga hindi ka isang deboto, alam na alam ng lahat na hindi na bago ang tradisyong ito.
Kung naaalala mo pa ang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal na tinalakay noong third year high school, isa ang paglalakbay patungong Antipolo sa mga ginagawa ng pamilya ni Maria Clara, ang bidang babae sa nasabing nobela. Ito ay liban pa sa maraming anekdota sa mga buhay ng mga bayani kung saan sila rin ay nagbibiga-pugay sa Mahal na Birhen.
Ngunit, paano nga ba nagsimula ang tradisyong ito?
Ayon sa mga talang pangkasaysayan, umalis sa Mexico ang barkong El Almirante noong ika-25 ng Marso 1626. Pinamunuan ni Don Juan Niño de Tabora ang nasabing paglalayag ng Galeon at matiwasay itong nakadaong sa Maynila noong ika-18 ng Hulyo 1626.
Marahil ay alam nating lahat na isang malaking kabalintunan ang pangalan ng Karagatang Pacifico. Habang ang pangalan ng karagatang ito ay nangangahulugang “mapayapa”, dito nagmumula ang ilan sa mga pinakamalalakas na bagyong naitala sa ating kasaysayan.
Dahil sa paniniwala ni de Tabora na pinatnubayan ng Mahal na Birhen ang kanilang paglalayag, binansagan niya ang imaheng ito na “Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje”.
Mula noon ay nagsimula na ang nakapagandang tradisyong ito, na napaukit nang malalim sa puso ng mga Pilipino.
Nang mamatay si de Tabora noong 1632, napunta sa pangangalaga ng mga Jesuita ang nasabing imahe. At dahil nga ang bayan ng Antipolo ay nasa kanilang pangangalaga, napagdesisyonang ilipat ang imahen sa nasabing bayan.
Sa simula, nais ng mga Jesuita na sa Barangay Santa Cruz mailagak ang imahen, ngunit lagi na lamang may nangyayari at naipagpapaliban ito. Hanggang sa isang araw, ilang mananamapalataya ang nagsabi sa mga pari na nakita nila ang imahe ng Mahal na Birhen sa isang puno na malapit sa kasalukuyang dambana. Dahil dito, naniwala ang mga nangangalaga ng imahe na isa itong mensahe na nais ng Birhen na ang lugar na ito ang kaniyang maging dambana.
Noong 1864, sa pamamagitan ng Decreto Real ni Reina Isabela II, nagkaroon ng reorganisasyon ang mga teritoryo ng mga misyonero sa Pilipinas. Dahil dito, ang simbahan kung saan nakalagak ang imahen ay napunta sa pangangalaga ng mga Agustinos Recoletos.
Nagpatuloy pa ang mga milagro ng Mahal na Birhen sa nasabing dambana. Ayon sa ilan, sa pamamatnubay ng Mahal na Ina ay naipagtanggol ng pwersa ng mga guerrilla ang Antipolo laban sa mga hapon. Mayroon pang nagsasabing sila ay napagaling mula sa epidemya ng cholera na kumalat sa bansa noong 1882.
Isa pang nakatutuwa sa kanila ay ang tinatawag nilang “Ang Paglikas ng mga taga Antipolo Patungong Sitio Colaique” isang agdiriwang na isinasagawa ng tahimik na hindi nangangailangan ng malalaking sponsors katulad ng iba.
Isinasagawa ito ng mga tao at ng gobyernong local taon-taon, bilang pasasalamat at debosyon kay Mama Mary sa pagsagip sa kanila noong panahon ng digmaan, kung saan napilitan silang lumikas kasama ang imahe ng Birhen.
Sa nasabing pagdiriwang, mismong ang mga local na negosyante ang namimigay ng libreng meryenda, tanghalian, inumin o medical assistance sa mga participants na walang hinihinging kapalit.
Naniniwala silang hanggang sa ngayon, di pa rin matapos-tapos ang mga himalang natatanggap ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Antipolo. At tiyak, magpapatuloy pa ito hanggang sa patuloy na nananalig ang mga tao sa kapangyarihan ng Dios. JAYZL VILLAFANIA NEBRE