KUNG ikukumpara ang panahon noon sa panahon ngayon pagdating sa usapin ng pagbabalita, bilang isang dating reporter, masasabi kong talagang malaki ang pagkakaiba ng dalawang panahon.
May mga trabaho na mas dumali kagaya ng paghahanap ng istorya at pakikipanayam dahil sa tulong ng modernong teknolohiya. Hindi gaya ng dati na talagang kinakailangang magbantay sa paligid at personal na puntahan ang kakapanayamin.
Subalit kung mayroong magandang dulot ang pag-usbong ng mga modernong pamamaraan ng komunikasyon at pagkakaroon ng modernong teknolohiya, mayroon din itong hindi kaaya-ayang epekto gaya na lamang ng pagiging talamak ng mga fake news. Ito ang maituturing na isa sa pinakamalaking hamon sa industriya ng media. Dahil sa kapangyarihan ng social media, madaling kumakalat ang mga maling impormasyon na ginawa lamang ng isang tao o grupo para magpakalat ng maling impormasyon na karaniwang bahagi ng isang propaganda.
Ang Pilipinas, bilang isang demokratikong bansa, ay madaling maapektuhan ng fake news lalo na’t marami sa mga Pilipino ay gumagamit ng social media. Sa kasalukuyan, maituturing na pangkaraniwang pamamaraan ng paghahanap ng mga balita ang paggamit ng Google, Twitter, Facebook, at mga online na website ng iba’t ibang pahayagan. Madali na ring mag-set ng mga notification para agad makakuha ng mga bagong balita. Sa kasamaang-palad, marami sa atin ang madaling naniniwala sa mga nababasa sa social media at hindi na inaalam kung tama ba o hindi ang impormasyong ito.
Bunsod nito, napakahalaga ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga paaralan sa paglaban kontra fake news. Kinakailangan ng mga programa mula sa pamahalaan na magtuturo kung paano matutukoy ng mga mamamayan kung alin ang tama sa maling impormasyon.
Kamakailan, inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) ang ukol sa plano ng kasalukuyang administrasyon na maglunsad ng Digital Media Literacy campaign ngayong taon. Ayon kay PCO Undersecretary Cherbett Karen Maralit, inatasan sila ng Kongreso na tugunan ang lumalalang problema ukol sa pagkalat ng fake news lalo na sa online.
Plano ng PCO na isagawa ang kampanya sa mga komunidad na madaling maapektuhan ng fake news. Magsasagawa ang ahensiya ng malawakang pagsususri upang matukoy ang mga komunidad na nangangailangan ng media literacy. Makikipagtulungan din sila sa mga miyembro ng pribadong sektor kasama ang mga stakeholder ng industriya ng brodkast. Layunin ng PCO na bigyan ng sapat na kaalaman at kakayahan ang publiko na matukoy ang mga fake news at maling impormasyon.
Ang suliranin ukol sa fake news ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari kundi maging sa ibang bansa kaya ang Philippine Information Agency (PIA), bilang sangay ng komunikasyon ng pamahalaan na nakikiisa sa labang ito, ay dumalo sa workshop na pinamagatang Developing the Guideline on Management of Government Information in Combatting Fake News and Disinformation in the Media na ginanap sa Jakarta, Indonesia noong ika-2 at ika-3 ng Marso. Sa nasabing workshop ay ibinahagi ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kani-kanilang pamamaraan sa paglaban sa fake news.
Isang magandang bagay naman na nangyayari sa ngayon ay ang paglawak ng fact-checking sa bansa bilang tugon sa suliraning ito. Bukod pa rito, mayroon na ring panukalang batas laban sa fake news na isinampa ni Senator Grace Poe. Ito ang Senate Bill No. 547 o ang Anti-Fake News Act na naglalayong baguhin ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees upang maitaguyod ang propesyonalismo sa pamamahagi ng impormasyon ng mga naglilingkod sa bayan at masigurong hindi sila ang pagmumulan ng fake news.
Bukod sa pagpapalaganap ng mga kaalaman kung paano matutukoy ng publiko ang mga maling impormasyon, pagsusumikapan din ng PCO na matukoy ang mga profile ng mga pinanggagalingan ng fake news. Tayo, bilang mga mamamayan, ay dapat ding maging responsable. Bago natin ipasa ang isang impormasyon, siguraduhin muna nating ito ay tama sa pamamagitan ng paghanap ng iba pang source online. Iwasan nating magpadala sa bugso ng damdamin o sa kagustuhang manguna sa pamamahagi ng balita dahil kapag nagkataong mali pala ang impormasyong iyong ibinigay, ikaw rin ang mapapahiya at masisiraan ng kredibilidad.