SINUSUBUKANG solusyonan ngayon ng Department of Health (DOH) ang kanilang problema sa pamamahagi ng mga gamot na malapit nang mag-expire na tinatayang nasa P367 milyon ang kabuuang halaga. Ito ay sanhi ng kakulangan ng mga espesyal na klase ng bodega na hindi kayang kontrolin ang anumang klima o temperatura.
Sa paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III ukol sa hindi pagiging epektibo ng sistema ng distribusyon ng nasabing mga gamot mula sa pambansang tanggapan ng kagawaran, ang mga gamot daw ay dinadala sa mga bodega sa bawat rehiyon ng bansa bago ito ipamahagi sa mga probinsiya. Sa nasabing proseso, ang distribusyon ng mga gamot at pasilidad na pang-medikal ay maaari talagang bumagal at matagalan.
Ipinahayag din ni Duque ang kanilang hirap sa paghahanap at pagkuha ng mga bodega dahil sa napakahabang proseso ng bidding para rito. Malinaw na ito ay isang suliraning dapat tutukan.
Matindi ang aking paniniwala na ang anumang ahensiya ng gobyerno ay dapat na may sapat na karanasan ukol sa pagkuha, paghahatid, pagdadala ng mga produkto, pasilidad, at kagamitan lalo na kung ito ay kabilang sa mga ahensiya na direktang may kaugnayan sa pagsagip ng buhay sa oras ng hindi inaasahang mga pangyayari.
Baka oras na upang ikonsidera ang mga moderno at pribadong bodega sa bansa bilang tugon sa suliraning ito ng DOH. Makatutulong ito hindi lamang sa kagawaran kundi pati na rin sa ibang ahensiya ng gobyerno na ang tungkulin ay may kinalaman sa paniniguro na ang mga gamot at iba pang pasilidad at gamit pang-medikal ay nakatabi nang maayos at may epektibong sistema ng distribusyon sa mga taong nangangailangan at karapat-dapat makinabang sa mga ito.
Ang industriya ng logistics at warehousing ay nagkaroon ng pagbabago sa lumipas na mga taon bunsod ng pangangailangan ng merkado bilang resulta ng pagtaas ng mga aktibidad kaugnay ng kalakalan at tumataas na pangangailangan para sa serbisyo ng logistics ng ibang mga sektor sa lipunan kasama na ang industriya ng parmasyotiko. Ang kumpetisyon sa industriyang ito ang nagtutulak sa mga kompanyang nakalinya sa logistics at warehousing na mamuhunan sa makabagong teknolohiya katulad ng mga bodegang hindi basta-basta naaapektuhan ng klima o temperatura upang masigurong maayos ang kalidad ng mga produkto para sa distribusyon nito.
Bagama’t may mga isyu ukol sa bagal ng proseso ng bidding sa paghanap ng bodegang maaaring maging kasosyo at sa pagpapatupad nito, sa aking personal na palagay ay maaari pa rin itong magawa. Isang halimbawa rito ang Philippine Red Cross. Ang kasalukuyang proseso nito ay nagbibigay-daan sa organisasyon na gamitin ang mga bodega nito at makapagtayo ng bagong mga opisina na siyang nangangasiwa sa pagkuha ng mga gamot. Marahil mainam na gawin itong pamantayan nang mapag-aralan nila ang mga epektibong pamamaraan nito sa pagtugon sa mga ganitong isyu.
Napapanahon na para sa gobyerno ang subukan at aralin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor pagdating sa distribusyon at pagbobodega, hindi lamang para sa mga gamot kundi pati sa iba pang mga sensitibong produkto. Ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makakuha ng suporta mula sa gobyerno sa sandaling kailanganin nila ito.
Nais kong batiin ang mga nanalo sa gaganaping 17th Philippine Quill Awards sa ika-30 ng Agosto sa Marriott Grand Ballroom sa Newport City sa lungsod ng Pasay. Ako’y hindi na halos makapaghintay na makitang muli ang mga lumahok upang sama-sama nating ipagdiwang ang tagumpay ng mga nangunguna sa larangan at industriya ng Philippine communications at ng Public Relations.
Nang lumabas ang resulta at listahan ng mga nanalo noong nakaraang linggo, batid ko ang karangalan na muling maging bahagi ng taunang awards program na ito dahil taon-taon ay patuloy ang pagdami ng mga kompanyang sumasali upang makipagtagisan ng galing at nakikiisa sa pagkilala ng mga magagandang programang ipinatutupad ng mga kasama sa industriya. Bilang chairman ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines, at sampu ng aking mga kasama sa industriya, nais kong magpasalamat sa lahat ng naging bahagi ng programang ito na kumikilala sa pinakamagagaling at pinakamahuhusay sa larangan ng komunikasyon sa kategorya ng mga mag-aaral at ng mga propesyonal. Tiyak na ito ay isa na namang hindi malilimutan at makasaysayang gabi para sa lahat.
Comments are closed.