MGA KAGANAPAN NGAYONG SETYEMBRE

DUMATING na ang Setyembre, may dala-dalang sari-saring ganap para sa ating mga Pilipino. Sa buwang ito, isinasagawa ang taunang Manila International Book Fair (MIBF), kasama rin ang pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month (NPCM), at isang bagay na malapit sa ating puso, ang National Teachers’ Month.

Para sa maraming Pilipino, nagsisimula ang panahon ng Pasko sa Setyembre 1, ibig sabihin, naghahanda na ang maaagap. Tamang-tama ang MIBF para simulan ang maagang pamimili ng mga panregalo para sa Pasko. Sa taong ito, limang araw ang pagdiriwang, mula Setyembre 11 hanggang 15. Gaganapin sa SMX Convention Center ang pinakamalaki at pinakamatandang book fair sa bansa—nasa higit 45 taon na ito ngayon!

Bukod sa pamimili ng mga libro, magasin, komiks, mga kagamitan sa edukasyon, at iba pang materyales, maa­aring mag-enjoy ang mga bisita sa iba’t ibang pocket events tulad ng mga product demonstrations, book signing, pag­lulunsad ng mga aklat, author meet-ups, workshops, talks, at marami pang iba. Ang programa ay magsisimula sa ganap na alas-10 ng umaga at magtatapos ng alas-8 ng gabi.

Noong 2011, nilagdaan ang Presidential Proclamation No. 242, na opisyal na nagdedeklara sa Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ng bawat taon bilang National Teachers’ Month (NTM). Kinikilala ng proklamasyong ito ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa pag-gabay sa kabataan ng bansa at sa paghubog ng hinaharap ng bayan. Ang tema para sa pagdiriwang ng NTM ngayong taon ay “Together4Teachers.” Ito ay nagbibigay-diin sa kahala­gahan ng pagtutulungan at suporta para sa mga guro, at kumikilala sa kanilang mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon. Ang pagdiriwang na tatagal ng isang buwan ay magtatapos sa World Teachers’ Day, Oktubre 5, upang para­ngalan at pahalagahan ang dedikasyon at sipag ng mga gurong Pilipino.

Sa buwang ito, huwag nating kalimutan na ipakita at iparamdam sa ating mga guro ang halaga nila para sa atin at ating mga anak. Pasalamatan natin sila at suportahan din natin ang mga inisyatiba na nagtataguyod ng kanilang kapakanan at kaunlaran.

(Itutuloy…)