MGA KANDIDATO, HINIMOK NG OBISPO NA IWASANG MAGPAKALAT NG FAKE NEWS PARA MANALO SA ELEKSIYON

HINIHIKAYAT ni Halalang Marangal 2022 lead convenor Bishop Jose Colin Bagaforo ang mga kandidato sa May 9 national at local elections na huwag gumamit ng panlilinlang at pagpapakalat ng mga maling impormasyon upang maipanalo ang eleksiyon.

Ayon kay Bishop Bagaforo, mas makabubuting ipakita ng mga kandidato ang kanilang sinseridad at pagiging totoo sa halip na manira ng kapwa tumatakbo sa posisyon.

“Candidates should turn away from dis­information or fake news, deception, and slander, whether against other candidates or to promote themselves,” ayon kay Bagaforo.

Higit aniya na kailangang tapat ang mga kandidato sa paglalahad ng kanilang mga plataporma at programa sakaling maluklok sa puwesto.

“Instead, they should espouse truth and honesty, and strive for excellence, particularly in the platforms and programs they are proposing,”dagdag ng pari.

Idinagdag pa ni Bishop Bagaforo na walang puwang sa serbisyo publiko ang mga kandidato na may malisya, katiwalian, kahinaan at pansariling interes lang ang itinutulak.

Ipinaalala pa nito na ang mga posisyon sa gob­yerno ay hindi upang magkaroon ng kapangyarihan kundi ang magsilbi sa taumbayan.

“…They are God’s instruments to minister to the people and not Lord it over them. They should draw strength and guidance from God to sustain them in their public service. They should use the power and authority attendant to their positions to be agents of change for the good,” paalala nito. JEFF GALLOS