PINAALALAHANAN ng isang Commission on Elections (Comelec) official ang mga kandidato para sa midterm elections na mag-behave at maging role model ng kanilang mga constituent.
Ang paalala ay ginawa ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa mga kandidato kasunod ng ginawang panununtok at pagbabanta ng isang kandidato sa pagka-board member sa Camiling, Tarlac, sa isang local election officer sa naturang lalawigan na nagsasagawa lamang ng Oplan Baklas.
“Mag-behave kayo. Kasi you present yourself sa mga tao na magagaling kayo na mga tao, mababait kayo, magagalang kayo sa mga ina ninyo, and then there you are, violent kayo, bastos kayo, you have no regard for the law, you do not respect election officers,” ani Guanzon. “Bakit kayo tumakbo? Ayaw ni’yo pala na you are under our authority or under the law.”
Nauna rito, sinampal ni Atty. Marty Torralba, na tumatakbo sa pagka-bokal sa unang distrito ng Camiling, ang election officer na si Teddy Mariano noong Sabado, matapos na tanggalin ang kanyang campaign slogan na nakapinta sa pader, sa isinagawang Oplan Baklas ng poll officials.
Nais naman ni Guanzon na bigyan ng leksiyon si Torralba sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at pagpapa-disbar dito.
Ang National at Local Elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 13, 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.