MGA KAPAKINABANGAN SA SISTEMANG WORK-FROM-HOME

SA kasagsagan ng pandaigdigang pandemya dulot ng COVID-19, ipinatupad ng iba’t ibang gobyerno ang malawakang lockdown.

Dahil dito, nagpatupad din sila ng iba’t ibang paraan para masuportahan ang sistemang work-from-home.

Katunayan, noong June 2020, nagkaloob ng tax incentives para sa mga kompanyang nagpatupad ng flexible work arrangements o FWAs ang pamahalaan ng Malaysia bilang bahagi ng kanilang National Economic Recovery Plan.

Ang maganda pa rito, double deductions ang ipinagkaloob sa mga FWAs upang mapagaan ang gastusin ng mga kompanyang ito sa kani-kanilang software subscriptions, capacity development, at consultation fees.

Exempted naman sa individual income tax ang mga matatanggap na mobile phones, tablets o notebooks ng mga manggagawa mula sa kanilang employers upang makabawas din sa kanilang expenses.

Sa Singapore naman, nang ipatupad ang kanilang circuit breaker lockdown, ginawa nilang mas madali ang pakikipag-ugnayan ng mga negosyo sa Ministry of Manpower para sa Work Life Grants. Ito ay para sa mga negosyong nagpatupad ng FWAs tulad ng flexi-load, flexi-place at flexi-time.

Sa ilalim ng Work-Life Grant scheme, ang mga kompanya ay maaaring makatanggap ng higit sa dalawang taon na FWA incentive o halagang aabot sa SG$70,000. Maaari ring ang isang job-sharing incentive para sa professional, managerial, executive or technical (PMET) na nagkakahalaga nang hanggang SG$35,000.

Noong May 2021, nag-alok ng subsidiyang mahigit sa US$7,000 ang Tokyo government sa mga Japanese companies na nagpatupad ng work from home system sa tinatayang 70 porsiyento ng kanilang mga empleyado. Partikular kung ang sistemang ito ay isinasagawa tatlong beses sa isang linggo sa loob ng tatlong buwan. Nilalayon ng subsidiyang ito na makabawi ang mga kompanya sa mga nagastos nila sa software at sa equipment na ginamit nila sa telecommuting sa kasagsagan ng pandemya at lockdowns.

Ipinatupad din ang ganitong sistema sa mga bansang UK, Canada, India at marami pang ibang mga bansa sa iba’t ibang panig ng globa upang mahikayat ang mamamayan na manatili muna sa kani-kanilang tahanan habang nasa kasagsagan ang pandemya. Gayunman, may mga pamahalaan na ginawang batayan ang lumalaganap na WFH arrangements upang pabalikin ang mamamayan sa kani-kanilang komunidad.

Sa Vermont, USA, halimbawa, sinamantala nila ang pagdagsa ng tao sa kanilang lugar mula sa malalaking siyaudad ng US upang muli nilang buhayin ang Work Relocation Grant program na kanilang pinasimulan noong 2018. Bago nagpandemya, ang mga lumilipat sa Vermont ay incentivised ng US$7,500 upang ma-reimburse ang halagang nagamit nila sa paglilipat-lugar. Bago pa sumapit ang pandemya, iilan lamang ang mga bansang nagpapatupad ng programang tulad ng isinasagawa ng Vermont.

Subalit sa kasalukuyan, ayon sa datos ng MakeMyMove, halos 70 porsiyento ng iba’t ibang komunidad sa Estados Unidos ang nagpatupad na ng incentives para sa mamamayang nagre-relocate sa layuning mapalakas ang kanilang lokal na ekonomiya.

Dito sa ASEAN, nangunguna ang Indonesia sa pagpapatupad ng sistemang nabanggit para mapalakas ang kanilang turismo. Lahat ng mga pagbabagong ito ay dahil sa pag-usbong ng new normal, dulot ng pandemya. Kamakailan, pinagpasyahan ng Fiscal Incentives Review Board o FIRB na payagan ang mga IT-BPO companies na nasasakop ng economic zones na manatili sa sistemang WFH habang nakikinabang pa rin sa tax incentives na ipinagkakaloob sa kanila. Ang natatangi nilang gawin ay ilipat ang kanilang registration sa Board of Investments o BOI mula sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Napakalaking tulong ng desisyon na ito ng FIRB sa IT-BPO workers upang maibsan ang kanilang mga pag-aalala dahil sila ang isa sa mga sektor na dumanas nang matinding dagok ng pandemya.

Bagaman hindi applicable ang WFH sa lahat ng kompanya, masasabi namang maganda ang naidulot nito sa maraming korporasyon dahil sa flexibility. Malaki rin ang naitulong ng ganitong proseso sa magagagaling at talentadong manggagawa na kahit nasa bahay lamang ay nananatiling kumikita ng mataas at nakatutulong pa rin nang malaki sa takbo ng ekonomiya.