AYON sa datos, tumatagal ng sampu hanggang labinlimang taon bago pinapalitan nating mga Pinoy ang ating mga sasakyan, kaya naman, napakahalagang makakita ng mapagkakatiwalaang pagawaan ng mga ito, o iyong tinatawag nating mga casa alternative. Nais kong susugan ang nakaraang isyu sa iba’t ibang uri ng pagawaan ng sasakyan sa paghahain ng listahan ng mga katangian ng isang maaasahan na casa alternative.
MAAYOS NA PASILIDAD
May mataas na ceiling, maayos na ventilation, sapat na lighting, malinis na sahig, maaliwalas at komportableng waiting area para sa kaligtasan hindi lamang ng mga nagta-trabaho dito, kung hindi maging ng mga sasakyan at ng mga customer na nagpapagawa dito.
KUMPLETO ANG KAGAMITAN
Napakahirap sumuot at magtrabaho sa ilalim ng isang sasakyan kung walang maayos na lifter ang isang shop, ito ay matatawag na basic na kagamitan sa negosyo na ito, hindi na rin ligtas ang pit o hukay sa sahig. Mataas ang panganib na may masira sa mga parts ng sasakyan kung walang sapat na kagamitan ang mga mekaniko, mas makabago ang sasakyan, mas dumadami ang mga advanced na tools at equipment ang kinakailnangan ng mga ito.
MABISANG SISTEMA
Alam mo kung ano ang nangyayari sa iyong sasakyan habang ginagawa ito; mayroong kumakausap sa’yo na tinatawag na service advisor upang magpaliwang kung ano ang kailangang gawin at kung magkano ang aabutin nito at mabigyan ka ng tamang rekomendasyon upang maayos ang sasakyan mo. Nakatatanggap ka ng isang formal na job estimate, na maayos na ipinapaliwanag sa’yo. Isang magandang indikasyon na maayos ang pagpapatakbo ng isang shop ay kung gumagamit ito ng tinatawag na Garage Management System na katulad halimbawa ng AutoServed na isang sistema sa kompyuter na tumutulong magpatakbo ng isang shop kung saan maaaring makapag-pa-appointment, makagawa ng job estimates, job order at kahit pa nga ang mga billing, idagdag pa dito ang pagma-manage ng inventory at data ng mga customer ng nasabing shop.
KUWALIPIKADO AT MAHUHUSAY NA MEKANIKO
Kita mo sa galaw ng mga mekaniko at mga empleyado ng shop na alam nila ang ginagawa nila, hindi nagpapatumpik-tumpik o nangangapa at aktibong nagta-trabaho. Maaari mo ring makita ang kanilang mga certification na nakapaskil kadalasan sa mga waiting area o reception ng shop at lalo’t higit nakakakuha ka ng maayos at propesyonal na sagot kung sila ay iyong tinatanong tungkol sa iyong sasakyan.
NAGBIBIGAY NG WARRANTY
Bukod sa sila ay accredited ng Department of Trade Industry – Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB), na nagbibigay ng iba’t ibang klasipikasyon sa kakayanan ng bawat mga shop, sila rin ay nagbibigay ng maliwanag na garantiya sa kalidad ng trabaho, piyesa at materyales na ginagamit nila sa paggawa ng sasakyan matapos ang serbisyo. Ito ay indikasyon na kaya nilang panagutan ang kalidad ng kanilang trabaho.
KASIYA-SIYANG CUSTOMER SERVICE
Higit sa lahat, bilang isang customer, ay ramdam mo na naging maayos ang iyong experience, at naging tapat ang shop sa pakikipag-transaksyon sa iyo, at kumpiyansa ka na naibalik sa ligtas na kalagayan ang iyong sasakyan, hindi lamang para sa iyong kapakanan, ganoon din para sa iyong mga pasahero at kalsadang iyong tinatahak. At ikaw na mismo ang magsasabi, na babalik ka dito para sa susunod mong pagpapagawa. Makikita din sa social media ang magagandang review ng mga naging customer ng isang maaasahang casa alternative. Gumagamit din sila ng makabagong teknolohiya tulad ng CRM (customer relationship management) at mobile app upang lagi kang ma-update sa mga nangyayari sa iyong sasakyan o kung may mga promo na inaalok.
Para sa inyong mga komento at suhestyon sa tinalakay na paksa sa kolum na ito, pakibisita ang aking mga social media pages @talyermentor.