ISANG malaking kaganapan ang nangyari nitong nakaraang linggo na maaaring makapagbago sa buong industriya ng koryente. Matapos ang mahaba at mahirap na proseso, naumpisahan na ang pagbibigay ng solusyon sa problemang nararanasan sa grid ng koryente sa Luzon.
Sa ilalim ng kautusan ng Korte Suprema, ang lahat ng power supply agreement (PSA) na isinumite pagkaraan ng ika-30 ng Hunyo 2015 ay kina-kailangang sumailalim sa isang Competitive Selection Process (CSP) upang mabigyan ng pagkakataon ang mga supplier na mag-bid sa kontrata. Layunin ng proseso na maibigay sa mga konsyumer ang kasunduang pinakapabor sa kanila.
Sa pangangasiwa ng Department of Energy (DOE) sa proseso ng bidding, ang mga miyembro ng industriya, partikular na ang mga distribution utility na nangangailangan ng supply sa susunod na lima hanggang sampung taon, ay lumahok sa matagumpay na proseso ng bidding na naganap nitong nakaraang linggo.
Ang lahat ay umaasa na magpapatuloy ang pagtatayo ng mga bagong planta ng koryente sa lalong madaling panahon. Kung hindi, maaapektuhan ng talamak at matagalang pagkaantala ng serbisyo ng koryente ang ating ekonomiya kagaya ng nangyari noong 1990s. Kapag nangyari ito, pababagsakin nito ang ating ekonomiya na patuloy na umuunlad sa loob ng maraming taon.
Isang magandang balita na ang kalihim ng DOE na si Alfonso Cusi ay hindi nagpipikit-mata sa tunay na kalagayan ng ating industriya. Matapang at pursigido siyang itulak ang pagpapaunlad at pagpapabuti ng industriya ng koryente na naantala nitong mga nakaraang taon. Inisyu ng kalihim ang 2018 DOE Circular ukol sa CSP na itinaguyod ng Korte Suprema.
Bunsod ng matinding pangangailangang pabilisin ang implementasyon ng kautusan ng Korte Suprema na sumailalim sa CSP ang mga PSA, pinangasiwaan ni Secretary Cusi ang paniniguro na magiging maayos at walang kikilingan ang proseso ng CSP.
Upang masigurong magiging maayos at malinaw ang implementasyon ng proseso, binuo ang Third Party Bids and Awards Committee (TPBAC) na pinamumunuan ni Atty. Ferdinand Domingo, isang eksperto pagdating sa lokal at internasyonal na bentahan. Kasama rin niya ang dating kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) na si Adrian S. Cristobal, Jr.
Alinsunod sa 2018 DOE Circular at sa proseso ng CSP, isang matapat at maayos na CSP bidding ang naganap noong nakaraang Lunes, ika-9 ng Setyembre. Ito ay nagresulta sa pagkapanalo ng kontrata ng tatlong kompanya ng generation: Phinma Energy Corp., San Miguel Energy Corp. (SMEC), at ang South Premiere Power Corp. (SPPC) na naghain ng pinakamababang presyo ng koryente para sa 1,200 megawatts (MW) na supply ng Meralco.
Matapos ang dalawang araw, nagkaroon ng isa pang bidding na pinangasiwaang muli ng TPBAC. Ito naman ay para sa 500 MW na supply ng Meralco sa loob ng susunod na limang taon na magsisimula sa ika-26 ng Disyembre 2019. Matapos ang pagsusuri sa mga isinumiteng bid, idineklara ng TPBAC ang mga bid ng First Gen Hydro Power, Phinma Energy Corp., at South Premiere Power bilang panalo sa isinagawang bidding.
Sa kabila ng mga akusasyon ng makakaliwang grupo na Bayan Muna na minamanipula umano ng Meralco at ng DOE ang proseso ng CSP, maraming mga generation company ang lumahok sa naganap na bidding. Bukod sa mga nanalong kompanya para sa 1,200 MW na kontrata, may dalawa pang kompanya na lumahok sa bidding. Ang mga ito ay ang SMC Consoli-dated Power Corp. at ang Masinloc Power Partners Co. Ltd.
Ang patunay ng tagumpay ng ginanap na proseso ay ang mababang presyo ng generation charge. Ang presyo ng mga nanalong kontrata ay mas mababa pa sa kasalukuyang presyo ng generation charge sa pamamagitan ng ‘sealed reserve price cap’.
Sa katunayan, ang mga bid na isinumite ng Phinma, SMEC, at SPPC, ay mas mababa pa sa reserbang LCOE cap ng Meralco. Pinatunayan nito na ginawang mas pinatibay ang kumpetisyon sa bidding na siya ring napansin ng mga lumahok sa proseso.
Mismong si Ramon S. Ang, ang Presidente at COO ng SMC, ang nagsabi na tila pigang-piga ang baba ng presyo na kinailangang ihain sa bidding dahil inisip ni Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa ang kapakanan ng mga konsyumer. Ayon din kay Phinma President and CEO John Eric T. Francia, ang ginawang ito ng Meralco ay isang pagpapakilala sa isang bagong panahon – ang panahon kung saan ang kapakanan ng mga konsyumer ang mauuna at ang mga kompanyang magsu-supply ng koryente ang mamamahala sa anumang peligrong dala ng kasunduan para sa kanilang mga negosyo.
Ikinalulungkot ko ang ginawang pagkilos ng Bayan Muna upang mapahinto ang CSP. Umabot pa sila sa punto ng pagsusumite ng TRO upang mapahinto ang nasabing proseso gayong noong mga panahong pinag-uusapan pa lamang ang CSP, suportado nila ang implementasyon nito.
Kami ay umaasa na makikita ng Korte Suprema na naging matagumpay ang unang yugto ng CSP na siyang magpapatunay na walang basehan ang mga bintang ng Bayan Muna. Siniguro ni DOE Sec. Cusi sa mga konsyumer na ginagawa nito ang lahat upang mapanatiling maayos at malinis ang proseso ng CSP.
Ang patunay na isang ‘win-win’ na sitwasyon ang kagaganap lamang na CSP ay ang katotohanang ang mga konsyumer ang sadyang makikinabang sa resulta nito. Mas mababa ang presyo ng koryente ng mga nanalong kontrata kaysa sa karaniwang presyuhan ng generation charge sa kasalukuyan.
Sa implementasyon nito sa susunod na taon, inaasahang makatitipid ng Php0.28 kada kilowatthour (kWh) o 9.46 bilyong piso taon-taon sa loob ng susunod na 10 taon mula sa bagong 1,200 MW na PSA. Sa 500 MW na kontrata, ang mga konsyumer ay inaasahang makatitipid ng Php4.4 bilyon taon-taon sa loob ng susunod na limang taon. Ito ay nangangahulugan ng bawas-singil na Php0.13 kada kWh para sa mga konsyumer sa pagtatapos ng taon.
Bilang bahagi ng resulta ng matagumpay na CSP, ang mga konsyumer ay inaasahang makatitipid ng Php13.86 bilyon kada taon o bawas-singil na Php0.41 kada kWh. Ito ay nangangahulugan na makatitipid ang mga konsyumer ng Php984 kada taon.
Gayon din, sa ilalim ng mga kondisyon ng kontrata, ang supplier ng koryente na hindi makapagbibigay ng kinontratang kapasidad ay magmumulta ng halagang P908 kada MW kada araw, na siya ring ibabawas sa presyo ng generation charge na sinisingil sa mga konsyumer buwan-buwan.
Tinitiyak ng Meralco sa mga customer nito na ang mga bidding kagaya nito ay magreresulta sa mas mababang presyo ng generation charge na makabubuti para sa mga konsyumer.
Ang pagtatayo ng mga bagong planta ng koryente ay isang importanteng hakbang upang masiguro ang sapat na supply ng koryente para sa bansa. Huwag na sana nating balikan ang panahon noong 1990s kung saan talamak ang brownout sa bansa na siyang pumaralisa sa ating ekonomiya.
Kung itutuon ng mga miyembro ng industriya ang kanilang pansin sa pagtutulungan upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga konsyumer at upang magtuloy-tuloy ang pag-unlad ng ating bansa, may maliwanag at maunlad na bukas na naghihintay para sa ating lahat.