PINALAYA sa pagkakautang ang mga magsasaka nang mamahagi ng makasaysayang Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) para sa kanila ang Department of Agrarian Reform(DAR) sa Lingayen, Pangasinan na kabilang sa kabuuang bilang na target na 200,000 na kwalipikadong magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) na ibig mabigyan ng administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong Marcos, Jr. ng condonation bago matapos ang taon.
Ang condonation ay pagpapatawad ng pamahalaan upang makalaya sa mga utang na binabayaran sa kanilang mga lupang pang agraryong sinasaka.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, ang COCROM ay magsisilbing patunay na pinatawad na ng gobyerno ang mga utang ng mga ARB na may kinalaman sa kanilang mga lupang sakahan.
Ang hakbang ay bahagi ng pagpapatupad ng pamahalaan ng New Agrarian Emancipation Act, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 7, 2023. Ang Republic Act (RA) No. 11953, na kilala rin bilang New Agrarian Emancipation Act.Paliwanag niya, sa ilalim ng batas na ito, ang mga ARB ay exempted sa estate tax at isasama sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture (DA).
Sa naturang batas, inaasahang aabot sa 600,000 Pilipinong magsasakang ARBs na nagbubungkal ng mahigit 1.7 milyong ektarya ng lupa sa ilalim ng repormang agraryo ang makikinabang. Sa ilalim ng RA 11953, mahigit ₱57.56 bilyong halaga ng utang ng 610,054 ARB, na nagbubungkal ng kabuuang 1.173 milyong ektarya ng lupa, ay kakanselahin.
Binigyang diin ni Estrella ang kahalagahan ng naturang hakbang na inaasahang magmamarka sa buhay ng ARBs sa naturang lugar. Layunin ng naturang inisyatibong na mabigyan ang mga magsasaka ng pagmamay-ari ng mga lupang kanilang binubungkal.Dahil sa pagkakaroon ng lupaing maituturing nilang sa kanila, inaasahan na magbibigay-daan para sa isang masaganang kinabukasan sa mga naturang magsasaka at sa iba pang nakatakdang makinabang sa naturang batas.
“Ang mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay lubos na makikinabang sa inisyatibong ito. Sa pagkakansela ng kanilang mga utang, magkakaroon ang daan-daang libong magsasaka ng karagdagang pondo para sa pagkain, edukasyon, tirahan, kalusugan, at iba pang gastusin ng pamilya na dati’y kanilang ipinagkakait,” dagdag pa ni Estrella.
Napili ang rehiyon ng Ilocos na unang lugar sa pamamahagi ng COCROM bilang pagkilala sa pinagmulan ni Pangulong Marcos Jr. at sa lugar ng kapanganakan ni Estrella.
Ang DAR ay mag-iisyu ng Certificates of Condonation, na itatala sa Emancipation Patent (EP) o Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Kapag naging epektibo na ang condonation, irerehistro ng angkop na Registry of Deeds ang EP, CLOA, o anumang ibang titulo sa ilalim ng umiiral na batas repormang agraryo, kasama ang anotasyon ng Notice of Condonation, ang sabi ni Estrella.Ma. Luisa Macabuhay-Garcia