MGA MUNGKAHI PARA HUMUSAY ANG INYONG ORAL COMMUNICATION SKILLS

rene resurrection

DAPAT magaling tayong mangusap para mabigyan tayo ng ‘breaks’ (mga pagkakataong magtagumpay) sa buhay.  Sabi ni Lee Iaccocca, “You may have brilliant ideas but if you cannot get them across, your ideas won’t get you anywhere.”  (Marahil marami kang magagandang ideya, pero kung hindi mo naman kayang sabihing mabuti ito, walang makaaalam na maga­ling ka palang mag-isip).

Tungkulin talaga ng bawat empleyado na maging mahusay mangusap at malinaw na malinaw magsalita.  Sa kompanya, gamit na gamit ang oral communication skills.  Kausap mo ang boss mo, kausap mo ang mga kapwa empleyado mo, kausap mo ang mga customer mo, kausap mo ang janitor ninyo, kausap mo iyong security guard ninyo, at kausap mo ang samu’t saring iba pang mga tao. Kung aa-attend ka ng mga association meeting kung saan miyembro ang kompanya ninyo, puro pakikipag-usap iyan, kaya dapat magaling ka sa oral communication skills.

Maganda rin ang emceeing.  Ito ay ang pamumuno sa mga palatuntunan o programa.  Ikaw ang nagpapakilala sa mga tagapag-salita.  Ikaw rin ang lumilikha ng atmosphere of excitement and suspense.  Dapat ay kuhang-kuha mo ang interes ng mga tagapakinig.  Dapat ay napapasaya mo sila; at hindi dapat sila nababagot.  Dapat ay punom-puno ka ng mga anecdote o trivia (maliliit na makatotohanan at interesanteng impormasyon).  Dapat ay maraming matututunan at kasiyahang matatamo ang mga tao sa kapulungan dahil sa iyong pamumuno.  Ang mungkahi ko ay um-attend kayo ng Toastmasters Club. Ito ay grupo ng mga taong ibig linangin at hasain ang kanilang pag-iisip, pagtatalumpati at pakikipagtalastasan sa kapwa.  Gagawin ka nitong isang mabuting lider.  At dahil English ang medium of communication sa mga klab, gagaling din ang iyong pagsasalita ng Ingles.  Noong empleyado pa ako sa isang pribadong kompanya, naging aktibo ako sa Toastmasters Club.  Dalawa pa nga ang klab na miyembro ako – ang Sultan Toastmasters Club sa Quezon City at MBA Toastmasters Club sa Makati.  ‘Di naglaon, na­ging presidente ako ng pangalawang klab.  Sumali rin ako sa mga speech competition at nanalo ng award.  Dahil dito, naging magaling ako sa oral communication skills.

Iminumungkahi ko rin na um-attend kayo ng Dale Carnegie Course. Grabe ang programang ito.  Ide-develop ang confidence ninyo; magiging mahusay kayo sa human relations at paano practice-in ang stress management; at higit sa lahat, matututunan niyo ang magsalita nang may impact. ‘Pag magsasalita kayo, makukuha ninyo ang atensiyon ng mga tagapakinig at magiging mahusay kayong magkumbinsi ng mga tao. Ang dami nilang techniques na itinuturo.  Ang mga technique na ito ay ginamit, sinubukan at pinulido sa mahigit isang daang mga bansa sa mundo.  Kaya mga ‘world class’ at ‘tried and tested’ techniques ang mga ito.  At dahil competitive ang programa, masasanay kayong maging assertive (hindi aggressive) at hahanapin niyo ang excellence (kahusayan).  Nang matapos ako sa programang ito, inihalal ako ng mga classmate ko na maging guro ng programang ito.  Lumahok ako sa isang linggo nang matin­ding pagsasanay.  Dapat pa akong magsilbi bilang graduate assistant ng dalawang cycles, pagkatapos ay magsilbi bilang tandem instructor ng dalawa pang cycles, bago ako payagan magturo nito nang mag-isa.  Ito marahil ang pinakamahaba at pinakamahirap kong pagsasanay na dinaanan sa tanang buhay ko.

Dahil sa ganda ng programang Dale Carnegie Course, pina-attend ko ang apat kong mga anak dito.  Lahat ng mga anak ko ay naging matalino, confident at mahusay mag-isip at magsalita.  Ang isa kong anak na mahiyain at low achiever sa paaralan, pagkatapos um-attend nito, ay naging high achiever sa klase at nagkaroon ng mataas na ambisyon sa buhay.

Dahil nahasa ko ang aking oral communication skills, naging isa akong consultant trainer.  Kinukuha ako ng maraming ahensiya ng gobyerno at mga pribadong kompanya bilang trainer.  Hindi ko akalain na ang aking pamumuhunan sa pag-develop ng aking oral communication skills ay magiging daan pala para magkanegosyo ako mula sa kakayahang ito.  Tama ang sinabi ng Bibliya, “From the fruit of their lips people are filled with good things” (Proverbs 12:14).

Tandaan: “Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.