MGA MUNTING KAHILINGAN NGAYONG KAPASKUHAN

JOE_S_TAKE

DALAWANG linggo na lamang ay sasapit na naman ang Kapaskuhan. Napakaraming hindi magandang pangyayari ang dumaan ngayong taon at isa rito ang pandemyang COVID-19 na talagang bumago sa takbo ng buhay hindi lamang ng mga Filipino kundi ng buong mundo.

Nakalulungkot man na tila lumipas ang higit sa kalahati ng taong 2020 na ang karamihan sa atin ay mistulang bilanggo sa ating kabahayan sa kagustuhang makaiwas sa COVID-19, ako ay naniniwala na sa kabila ng pandemyang ito ay magiging masaya pa rin ang Pasko ng bawat pamilyang Filipino. Kilala tayong mga Filipino na likas na masayahing lahi at may kahanga-hangang kakayahan na ngumiti at maging masaya sa kabila ng kriris na ating pinagdadaanan.

Bahagi na ng ating tradisyon ang gumawa ng listahan ng ating mga kahilingan at ng mga regalong nais nating matanggap ngayong Kapaskuhan. Ngunit kadalasan, ang pinakamakahulugang kahilingan at regalo na nais nating matanggap ngayong Kapaskuhan ay yaong mga hindi nahahawakan at hindi kayang tapatan ng salapi.

Una sa aking listahan ng kahilingan ay ukol sa pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 sa Filipinas. Ayon sa mga ulat ng COVID-19 task force ay may posibilidad na bago sumapit ang Abril ng susunod na taon ay darating na ang bakuna sa ating bansa. Nawa’y walang maging hadlang upang mangyari ito. Nawa’y makakuha ang pamahalaan ng sapat na bilang ng bakuna para sa lahat ng Filipino sa lalong madaling panahon. Bahagi rin ng aking kahilingan na sana ay manatiling matatag at agresibo ang ating pamahalaan sa paglaban sa pandemyang COVID-19. Ang pagdating ng bakuna sa bansa ay magsisilbing daan upang mas mabilis makabangon ang ating ekonomiya at muling mamayagpag sa Asya.

Ang pagdating ng bakuna sa bansa ay magiging daan din upang ang ating dating normal na pamumuhay ay maibalik nang paunti-unti. Muling magbubukas ang mga negosyong nagsara at muling lalago ang mga naapektuhan ng pandemya. Ang mga nawalan ng hanapbuhay ay maaari nang makabalik sa trabaho at bilang resulta ay magsisimulang gumaan ulit ang buhay kumpara sa buhay ngayong panahon ng pandemya. Patuloy sanang magtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang maibangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

Isa rin sa aking mga kahilingan ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa bansa lalo na sa panahon ng krisis at pandemya. Maraming bagyo ang nagdaan sa bansa ngayong huling bahagi ng 2020. Dalawa rito, ang bagyong Rolly at bagyong Ulysses, ay nag-iwan ng matinding pinsala sa rehiyon ng Bicol at Katimugang Tagalog. Alam kong hindi na mawawala ang pagiging politikal ng mga isyu sa bansa dahil bahagi iyan ng pagkakaroon ng demokrasya. Ngunit sa panahon ng krisis gaya ng mga nangyaring kalamidad – ang pagputok ng bulkang Taal noong Enero at ang pananalanta ng mga bagyo nitong buwan ng Oktubre at Nobyembre, sana ay kalimutan muna natin ang politika at gawing prayoridad ang pagkakaisa. Nakalulungkot isipin na may mga taong ginagamit ang mga krisis na ating pinagdaraanan upang itulak ang kani-kanilang personal na interes.

Ngayong panahon ng pandemya ay nakita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mahusay at maaasahang healthcare system. Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na badyet para rito. Ngayong panahon ng pandemya ay nakita natin ang mga bagay na kinakailangan pang ayusin at pag-ibayuhin sa sistema.

Napakarami rin ng kailangan pang ayusin upang maibalik ang tiwala ng mga tao sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth. Maaalalang sa kalagitnaan ng pandemyang ito ay nasangkot ang nasabing institusyon sa kontrobersiyang may kinalaman umano sa korupsiyon. Matapos ang pagpapalit ng pamunuan ng Philhealth naman ay nagkaroon din ito ng problema sa Philippine Red Cross na naging dahilan upang pansamantalang ihinto ang pagsasagawa ng COVID-19 testing ng Red Cross. Ang mga ganitong suliranin at problema ay hindi dapat nangyayari sa gitna ng pandemya.

Kailangan ding alagaan ang mga healthcare worker sa bansa upang mahikayat silang manatili rito at dito magsilbi, Importanteng masiguro na maayos ang kanilang benepisyo at lalong mahalagang maramdaman nila na sila ay suportado ng pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan sa panahon ng krisis o pandemya.

Ngayong panahon ng pandemya kung saan pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaan ang pisikal na pagpunta ng mga mag-aaral sa paaralan, napakahalaga na masiguro ng pamahalaan na ang bawat isang mag-aaral ay patuloy na magkaroon ng pagkakataong makapagpatuloy sa pag-aaral. Sa pagpapatupad ng online o distance learning, isa sa mga naging pangunahing pangangailangan ay ang pagkakaroon ng serbisyo ng mabilis na internet at ng kagamitan gaya ng laptop o kompyuter.

Bunsod ng pagbabago sa sistema ng pag-aaral na ipinatutupad, tinatayang milyon-milyong mag-aaral ang nagdesisyong hindi muna pumasok ngayong taon. Nawa’y mas mapag-ibayo pa ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang na ginagawa nito upang masiguro na ang mga mag-aaral na walang sapat na badyet upang makapag-online learning ay makapagpapatuloy sa pag-aaral.

Sana rin ay maging mas suportado ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang isa’t isa lalo na kung ang mga programa ng mga ito ay para sa pagpapalago ng ating ekonomiya at makatutulong sa pagpapagaan ng buhay ng mga mamamayan. Napakaraming pagkakataon na nating nasaksihan kung gaano kalaki at kung gaanong nakabubuti sa ating ekonomiya ang mga proyektong pinagtulungan ng pamahalaan at pribadong sektor.

Sa huling dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Duterte, nawa’y matuloy, magpatuloy at matapos ang mga imprastrakturang ginagawa ngayon sa bansa sa ilalim ng Build, Build, Build program nito. Ang isa sa pinakamalaking imprastraktura ay ang Metro Manila Skyway Stage 3 (MMSS-3). Ito ay isang expressway na magdudugtong ng Buendia, Makati City sa North Luzon Expressway (NLEX). Ito ay tiyak na makatutulong upang maibsan ang matinding problema ng bansa ukol sa daloy ng trapiko rito. Ang proyektong ito ay binuo sa pagtutulungan ng Department of Transportation (DoT) at ng San Miguel Corp.

Upang masuportahan ang programang Build, Build, Build ng pamahalaan, mahalaga rin ang masigurong mayroong sapat na supply ng koryente sa bansa. Ang pagkakaroon ng sapat na supply ng koryente sa bansa ay makatutulong upang mapanatiling mababa ang presyo ng koryente. Ayon sa Meralco, ang presyo ng koryente ngayong buwan ng Disyembre ay naitalang isa sa pinakamababang presyo ng koryente sa loob ng higit sa tatlong taon.

Nawa’y patuloy pa itong bumaba upang makagaan sa gastusin ng mga mamamayan lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan ipinapatupad ang work from home para sa kaligtasan ng mga empleyado at ang online class para sa mga mag-aaral. Mas tataas ang konsumo dahil dito kaya’t napakalaking tulong ng patuloy na pagbaba ng presyo ng koryente sa bansa. Nawa’y ang mga proyektong makatutulong sa lalo pang pagbaba ng presyo ng koryente ay maaprubahan at masuportahan ng pamahalaan.

Ako ay nakatitiyak na hindi ako nag-iisa sa mga kahilingang ito. Marami sa atin ay ito rin ang gusto para sa ating bansa. Nawa’y ang bawat isa ay maging bukas ang isip at mas magpakita ng suporta sa pamahalaan. Mahalaga ang pagkakaisa sa muling pagbangon natin bilang isang bansa. Ito ay isa sa mga susi upang makamit ang ating layunin. Ang bigat ng ating mga pinagdaraanan ay mababawasan kung tayo ay magtutulungan.

Isang mapayapa at masayang Kapaskuhan ang aking hiling para sa bawat isa.

Comments are closed.