MGA NADALE NG PAPUTOK MAS MABABA NG 34%

DOH

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 34% na pagbaba sa bilang ng mga naitala nilang fireworks-related injuries (FWRI) sa nakalipas na pagsalubong sa Taong 2019.

Batay sa pinakahu­ling datos na inilabas ng DOH kahapon, nabatid na mula Disyembre 21 hanggang Enero 5, 2019, na siyang huling araw ng isinagawang monitoring ng DOH sa mga biktima ng paputok, nabatid na umabot sa kabuuang 340 FWRI cases lamang ang kanilang naitala.

Ayon sa DOH, mas mababa ito ng 34% o 175 kaso kumpara sa kahalintulad na reporting period noong nakaraang taon at 60% naman o 513 kaso na mas mababa sa five-year average.

Karamihan o 36% ng mga kaso ay mula sa National Capital Region (NCR), kasunod ang Region I (15%), Region VI (15%), Region VII (8%), Region IV-A (7%), at Region III (6%).

Sa NCR, pinakamaraming naitalang nabiktima ng paputok sa Maynila (37%), sumunod ang  Que­zon City (20%), Marikina City (9%), Caloocan City (18%), Pasig City (7%), Parañaque City (4%), at Valenzuela City (4%).

Sa kabuuang bilang ng mga nabiktima ng paputok, 338 kaso ang dahil sa paputok at dalawa ay nakalunok ng paputok. Karamihan din sa mga biktima ay mga lalaki.

Sa mga naputukan, 78% ang nagtamo ng blast/burn nang walang amputation, 3% ang nagtamo ng blasts with amputation o pinutulan ng parte ng katawan, gaya ng mga daliri, at 25% ang nasugatan naman sa mata.

Ipinagmalaki naman ng DOH na wala silang naitalang biktima ng ligaw na bala o stray bullet at wala ring naitalang nasawi dahil sa paputok.

Ayon sa DOH, pinakamaraming nabiktima ang kwitis (22%) at luces (12%), na itinutu­ring ng Philippine National Police (PNP) na legal na paputok, gayundin ang piccolo (6%), boga (6%), at triangle (5%), na pawang ikinukonsiderang illegal firecrackers.

“It should be noted that both legal and illegal fireworks caused injuries, especially in the 5-9 years age group, with a total of 81 cases,” ayon naman kay Health Secretary Francisco T. Duque III.

Hinikayat  rin naman ni Duque ang mga biktima ng paputok na kaagad na kumonsulta sa pinakamalapit na health facility at magpagamot upang makaiwas sa tetano na maaaring makamatay.

Sa kabila naman nang pagbaba ay tiniyak ng DOH na ipagpapatuloy nila ang kanilang Iwas Paputok Campaign upang magkaroon na ng zero FWRI sa panahon ng holiday. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.