ISABELA-BINIGYAN ng pagkilala ang mga natatanging sundalo kabilang ang mga lumaban sa Marawi City sa katatapos na 37th founding Anniversary ng 5th Infantry (STAR) Division na ginanap sa Grandstand ng Camp Melchor Upi, Gamu na may temang “5th ID Moving Toward Perfection at 37”.
Natatanging pinagkalooban ng gold cross medal si PFC Macnair Rejilyana ng Philippine Army.
Nakipaglaban siya sa Marawi City kasama ng kaniyang tropa kung saan nakapatay sila ng walong terorista, nakarekober ng mga matataas na uri ng baril at iba’t ibang uri ng IEDs at mga bala.
Sinabi ni Rejilyana na nahirapan sila noong una dahil magagaling ang mga kalaban ngunit pinag-aralan umano nilang mabuti ang galaw ng mga kalaban upang tuluyan nilang matalo kung saan naging mabisa ang pagtitiwala nila sa Panginoon kaya nakauwi sila sa kanilang pamilya habang nasa 200 na katropa nila ay nasawi.
Kabilang sa pinarangalan ang mga outstanding partners sa taong kasalukuyan ay sina Atty. Efren M. Beleno, Dr. Regina D. Munda Cruz, Hon. Marilou N. Sanchez, punong bayan ng San Gueliermo, Isabela, Mr. Gary S.Tubban, Mr. Marcelo B. Lihgawon at si P/Senior Supt. Gregory B. Bonalbal, PNP Provincial Director ng Quirino.
Naging panauhing pandangal sina Lt. General Rolando Joselito Bautista, ang Commanding General ng Philippine Army, Major General Perfecto Rimando Jr, ang Commander ng 5th ID, P/Senior Supt. Mariano Rodriguez, ang Isabela Provincial Director, Quirino Provincial Director, mga kasapi ng militar at pulis. IRENE GONZALES
Comments are closed.