MGA NATUTUNAN SA TAIWAN

Joes_take

ANG bansang Taiwan ay binubuo ng mga masisipag na tao at isang may pinaka­progresibong ekonomiya sa rehiyon. Sila rin ay maaaring tawaging isang halimbawa ng bansang may magandang energy security.

Nakita ko ito mismo nang bumisita ako sa Linkou Power Plant sa Taipei, Taiwan.

Noong 2014, ang pangunahing power plant ng Taiwan ay nag- decommission o itinigil ang operasyon ng dalawang 300MW coal plants nito na naitayo pa noong dekada 60. Dahil dito, kinailangang gumawa ng paraan ang bansa para masiguro na magkakaroon sila ng mga bago at malalaking power plants na makapagbibigay ng maaasahan at tuloy-tuloy na suplay ng koryente.  Ngayon, ang mga mo­dernong pasilidad na ito ay nag-aambag ng 38% sa power requirements ng Taiwan.

Pinatutunayan lang nito na maganda ang epekto kung papalitan na ang mga lumang planta ng koryente ng mga bagong planta na gu­magamit ng makabagong teknolohiyang at environment-friendly.

Ang Linkou ay may installed capacity na 800MW kada unit, kung saan nakapagbibigay ito ng kabuuang capa­city na 2,400MW para sa tatlong planta nito na gumagamit ng Ultra-Supercritical Boiler (One-Through) technology.  Ang teknolohiyang ito ang nagbibigay kakayahan sa Linkou upang makamit ang  mataas na antas ng plant efficiency na 44.93% (Gross, Low Heating Value o LHV).

Gamit ang isang high efficiency Ultra-Supercritical na boiler technology, ang bagong unit efficiency ng Linkou na 44.93% (LHV) ay tumaas ng 7% kumpara sa mga boiler na guma­gamit ng teknolohiyang subcritical lamang.

Namuhunan ang Linkou ng halagang $4.92 bilyon para sa teknolohiyang ito, napakasulit nito para masi­guro ang energy security ng Taiwan.

Importante rin na ang teknolohiyang ito ay hindi nakapipinsala sa ating kalikasan.  Sa katunayan, dahil sa teknolohiyang ito ay naibaba ng Linkou ang carbon emissions nito ng hanggang 20% kumpara sa mga lumang planta nito.  Ang kinokonsumong coal o uling kada kilowatt hour (kWh) ay bumaba rin mula 0.434 kg/kWh ay naging 0.366 kg/kWh dahil sa isang aparatong nagbibigay ng advanced environmental protection.

Bukod dito, ang planta ng Linkou ay may System Control Center na gumagamit ng modernong teknolohiya at ka­gamitan na naging daan upang ang kanilang pagpapatakbo nitong planta ay mapasailalim sa real time video recording at monitoring. Ang nasabing Control Center ay may direktang ugnayan sa mga online website ng kanilang gobyerno upang mabantayan ito at masiguro na ang planta ay mabisa at malinis na gumagana.

Ang mabisa at episyenteng pagpapatakbo ng Linkou Power Plant ay isang magandang halimbawa na maaari nating gayahin para makapaglaan ng kinakailangang dagdag suplay ng koryente upang suportahan ang programang ‘Build Build Build’ ng ating bansa, at makamit ng bansa ang isang golden age of infrastructure.

Marahil ay marami pang mga bansang papaunlad pa lamang ang maaaring sundan ang ginawa ng Taiwan na gumamit ng high-efficiency, low-emission (HELE) at mga makabagong teknolohiya para sa mga coal project katulad ng paggamit ng ultra-supercritical boilers.

Hindi pa huli ang lahat upang gumamit ng mga makabagong teknolohiyang ito upang masolusyunan ang mga paulit-ulit na yellow alerts na nagpapahirap sa ating bansa kahit na hindi na panahon ng tag-init.

Sa kasalukuyan ay may isang super critical na planta na sa Fi­lipinas, pero wala pang naitatayong planta na gumagamit ng ultra-supercritical.  Ang bansang Taiwan ay mayroong higit sa 20 na plantang gumagamit ng nasabing modernong teknolohiya, kasama na rito ang 2,400MW na planta ng Linkou.

Pangarap kong ma­kita at maranasang umunlad ang ating bansa.  Ang katatapos ko lang na biyahe sa Taiwan ay nagbigay liwanag kung paano mangyari ito sa Asya.  Malaki ang aking pasasalamat sa mga bagong kaalaman kaugnay sa paglikha at paghatid ng koryente.

Comments are closed.