MGA OFW SA RUSSIA PINASALAMATAN NI PANGULONG DUTERTE

DUTERTE

VLADIVOSTOK – IPINARATING ng Philippine Navy Naval Task Force 87 ang papuri at pasasalamat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga overseas Filipino worker (OFW) na itinuturing na mga bagong bayani nang anyayahan nila ang ilan sa mga miyembro ng Filipino Community na naninirahan sa Vladivostok sa Russia na bahagi ng limang araw na historical port visit ng BRP Tarlac LD601 sa Russia.

Ayon kay Naval task Force 87 Commander, Capt. Florante N. Gagua,  ipinarating ng Pangulo ang kanyang pasasalamat sa malaking contribution ng mga OFW lalo na sa mga nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Nabatid sa ilang bisitang OFWs  na walang official record para sa documented o undocumented na nagtatrabaho sa Vladivostok dahil karamihan sa kanila ay wala namang kontrata at mga nagsipag-apply lamang bilang mga turista na nagmula sa Hong Kong.

Sa grupo ng manggagawang Pinoy na bumisita sa BRP Tarlac LD-601 ay sinasabing may 50 silang magkakakilala subalit ang ilan sa mga ito ay nag-migrate na o nagtatrabaho na sa Europe at ang ilan naman ay masuwerteng nakakuha ng visa sa United States.

Kabilang sa mga Pinoy ay si Johhny Tomas, 45-­anyos, na all-around worker,  mula sa  Solana, Nueva Viscaya na nagtatrabaho sa Vladivostok sa loob ng limang taon bilang  utility man, security ng kanyang amo at kapag walang snow ay nagtatrabaho siya bilang gardener.   VERLIN RUIZ