NUEVA VIZCAYA – SINALAKAY ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 sa pamumuno ni Atty. Gelacio Bongngat, Regional Director ng NBI-Region 2; Police Regional Office-2 (PRO-2); Securities and Exchange Commision (SEC); National Intelligence Coordinating Agency Region-2; at Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sa tanggapan ng KAPA Community Ministry International Incorporated sa Bagabaga.
Ipinasara ang tanggapan ng KAPA matapos isilbi ang search warrant kasunod ng mga alegasyon na sangkot ito sa investment scam
Una na ring ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa awtoridad na arestuhin ang mga opisyal ng korporasyon dahil sa ginagawang panlilinlang sa mga mamamayan.
Ayon kay Regional Director Gelacio Bongngat ng NBI-Region 2, aabot na sa libong miyembro ang KAPA sa buong rehiyon mula nang mag-bukas ito noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon.
Sinabi pa ni Bongngat nalilinlang ang publiko sa pamamagitan ng paghikayat ng KAPA sa mga gustong mamuhunan kung saan mayroon umano itong monthly interest rate na 30 percent.
1 PA INVESTMENT FIRM SA CEBU NI-RAID NG PULIS
Isa pang investment company sa Cebu ang sinalakay.
Martes ng umaga, isang araw matapos na madiskubre ang pagsasara ng tanggapan ng Organico Agribusiness Ventures Corporation sa A.C. Cortes Avenue sa Mandaue City ay isinagawa ng mga pulis ang raid.
Nabatid na nagsimulang dumagsa sa naturang tanggapan ang mga investor ng Organico matapos malamang isinara ito ng walang pasabi sa kanilang mga miyembro/investors.
Tanging ang karatulang “CLOSED FOR RENOVATION” ang sumalubong sa mga tao na ngayon ay kinakabahan na posibleng biktima na rin sila ng isang investment scam.
Nagreklamo ang mga investor dahil walang makapagbigay sa kanila ng paliwanag kung bakit isinara ang tanggapan. IRENE GONZALES/VERLIN RUIZ
Comments are closed.