(Mga opisyal ng gobyerno hinamon) MAMUHAY NG P10,727 KADA BUWAN

HINAMON kahapon ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang mga opisyal ng pamahalaan na mamuhay na ang budget lamang kada araw ay P71 para sa pagkain at iba pang pangangailangan.

Ito ang hamon ni Zarate matapos sabihin ni Philippine Statistics Authority (PSA)  Assistant Secretary Rosalinda Bautista na maaari nang makapamuhay ang pamilyang may limang  miyembro sa halagang P10,727 kada buwan kung saan kasama na rito ang food at non-food items.

Giit ni Zarate, sobrang nakaiinsulto ang ganitong pahayag lalo pa’t naghihirap ang mamamayan sa mataas na bilihin, mataas na buwis at mababang sahod.

Naniniwala si Zarate na isa na naman itong katwiran ng gobyerno para hindi itaas ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Kasabay nito ay kinalampag ni Zarate ang gobyerno na itaas ang sahod ng mga manggagawa, pampubliko man o pribadong sektor, at hiniling sa Kongreso na madaliin ang pag-apruba sa mga panukala na P750 national minimum wage at P16,000 na minimum na suweldo ng mga go­vernment employee.  CONDE BATAC

Comments are closed.