MGA OSPITAL NA ‘DI NA TUMATANGGAP NG COVID PATIENTS PUPULUNGIN NI DUQUE

Health Secretary Francisco Duque III

PUPULUNGIN ni Health Secretary Francisco Duque III ngayong Huwebes ang mga direktor ng mga pribadong pagamutan na una nang nagdeklarang hindi na tatanggap ng COVID-19 patients dahil naabot na umano nila ang kanilang full capacity.

Ayon kay Duque, dapat na humanap ng mga pamamaraan ang mga naturang pagamutan upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa kanilang mga pasyente, sa kabila ng kakulangan ng hospital beds.

Nauna rito, ilang pribadong pagamutan ang nag-anunsiyo na hindi na tatanggap ng mga COVID-19 patients dahil limitado na ang kanilang resources.

Kabilang sa mga naturang pagamutan ang Makati Medical Center, St. Luke’s Medical Center Quezon City at Global City, Chinese General Hospital at iba pa.

“Kailangan na pulungin ang mga director ng mga pribadong ospital na ito at kausapin ko sila baka bukas (Huwebes),” ani Duque sa panayam sa radyo.

“Dapat humanap sila ng pamamaraan para patuloy ang kanilang pag-aalaga ng kanilang mga pasyente,” aniya pa.

Kasalukuyan pa naman umanong inihahanda ng DOH ang ilang pagamutan na gagawin nitong referral hospitals ng COVID-19 patients, ka-bilang ang Lung Center of the Philippines, Philippine General Hospital, at Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital. ANA ROSARIO HERNAN-DEZ

MALASAKIT CENTER PUWEDE SA COVID-19 PATIENTS

MAAARING gamitin ng mga hinihinalang corona virus disease ( COVID-19) patients ang mga Malasakit Center.

Ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go, mayroong  71 na Malasakit Center sa buong bansa na maaaring puntahan dahil mayroong Phil-Health package sa mga COVID-19 at iba pang karamdaman.

Ayon kay Go, handang tumulong ang mga Malasakit Center dahil itinatag  ito para sa kapakanan ng taumbayan.

Nauna nang sinabi ng senador na maaasahan ng sambayanan ang Malasakit Center kaya ito ipinakalat sa iba’t ibang government-run hospital  para sa mas mabilis at mas accessible na health services. VICKY CERVALES