ITINAAS na ng Department of Health (DOH) ang kanilang alerto sa Code Red bilang bahagi na rin ng paghahanda nila para sa pananalasa ng bagyong Rolly sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na naka-Code Red alert na ang lahat ng apektadong rehiyon, at inalerto na rin nila ang lahat ng pagamutan sa mga naturang lugar.
Sa regional Centers for Health Development (CHDs), ipinag-utos rin ni Duque ang activation ng emergency operation centers sa Ilocos Region, Cagayan Valley Region, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region.
Inalerto rin ng kalihim ang mga concerned provincial DOH offices upang aktibong i-monitor at i-report ang anumang hindi magagandang kaganapan sa kani-kanilang areas of responsibility.
Tiniyak din niya na ang kanilang Health Emergency Response Teams ay nakaantabay na ngayon at handa para sa deployment.
Siniguro pa ng Health Chief sa publiko na ang mga COVID-19 patients at health workers sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) ay nailikas na para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Ang mga pasyente at staff ng Mega TTMFs gaya ng Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Coliseum, Filinvest Temporary Treatment at Monitoring Facilities, at Philippine Arena ay inilipat sa iba’t ibang hotel isolation facilities sa National Capital Region.
Sa kabilang dako, ang mga TTMF patients at staff sa Albay province ay ini-evacuate naman sa Day Care Centers, public schools, at evacua-tion centers.
Tiniyak din ni Duque na handa na rin ang kanilang logistical support na nagkakahalaga ng P26.5 milyon kasama na rito ang mga gamot, medical supplies, health kits, at personal protective equipment, na ide-deploy sa iba’t ibang health centers sa mga lugar na apektado ng bagyo.
“Ang aking bibigyang diin, nakahanda ang logisitical support sa halagang P26.5 million kasama ang gamot, mga medical suplies, health kits kasama po ang personal protective equipment, at atin pong COVID-19 supplies ay nakaprepare ito by different health centers,” aniya pa.
Maging ang mga pagamutan sa bansa ay nakaalerto rin aniya upang matiyak na ang kanilang mga generators at critical life-saving equipment ay functional, sakaling mawalan ng suplay ng koryente dahil sa bagyo.
Inianunsiyo ni Duque na mayroon silang P21.7 milyong halaga ng karagdagang supplies at commodities sa kanilang office warehouse bilang paghahanda sa epekto ng bagyo sa bansa.
Sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) naman, na apektado rin ng bagyo, sinabi ni DOH Regional Director Eduardo Janairo na naka- Code Blue alert na rin ang lahat ng pagamutan ng DOH, bilang bahagi ng kanilang kumprehensibong disaster preparedness measures.
“The regional office is ready and prepared to provide assistance to local government units that will be needing essential health care services. Nakahanda kaming magbigay ng tulong pangkalusugan sa mga komunidad at mga indibidwal na maapektuhan ng bagyo,” pagtiyak ni Janairo.
“Our provincial health teams, especially in the province of Quezon are already in coordination with local government units and prepared to provide assistance for the management of the most common health-related problems that may result from this typhoon,” aniya pa.
Pinayuhan pa ni Janairo ang mga mamamayan sa apektadong mga lugar na magsagawa ng kaukulang mga pag-iingat at paghahanda, manatili lamang sa kanilang mga tahanan o sa mga evacuation center para matiyak ang kanilang kaligtasan sa panahon ng bagyo.
“Huwag na po kayong lalabas ng bahay at baka mapahamak lang kayo dahil sa malakas ng bugso ng hangin at ulan,” babala pa ni Janairo.
Hiniling pa niya sa mga LGU health worker, provincial health coordinators kabilang ang mga regional health emergency management staff na tumulong sa pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment para siguruhin ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente.
Dapat rin aniyang magsagawa kaagad ng preemptive evacuation sa mga residenteng naninirahan sa mga high risk areas, tiyaking may sapat na suplay ng medisina at medical equipment, at isailalim ang mga responders, rapid health assessment teams at surveillance officers sa standby duty.
“We have to make sure these measures are being undertaken to ensure that the zero-casualty target is met,” dagdag pa ni Janairo. “We are also in continuous coordination with provincial and municipal health offices in the regions affected by the typhoon in case any untoward health event may occur.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.