AYON SA Department of Health (DOH), 8 sa bawat 10 Filipino ang may problema sa ngipin at karaniwan na rito ay ang pagkakaroon ng cavities o tooth decay. Ang pangunahing sanhi nito ay ang pagkain ng matatamis tulad ng tsokolate, soda at candy. Namumuo ang cavities dahil sa pamamalagi ng bacteria at sugar sa ngipin na kalaunan ay nagiging plaque. Kapag hindi naalis ang plaque, naglalabas ito ng acids na siyang sisira sa mga mineral sa iyong ngipin.
Kadalasan, hindi natin napapansin na nagkakaroon na tayo ng cavities, liban na lamang kung sasakit ito. Ngunit bakit pa ba natin kailangan paabutin na masira ang ngipin kung kaya naman itong alagaan?
Ayon sa American Dental Association (ADA), ito ang ilan sa mga pagkain na mabuti para sa ating ngipin.
DAIRY PRODUCTS
Ang gatas at iba pang dairy products tulad ng cheese at yogurt ay mababa sa sugar kaya’t maiiwasan ang pamumuo ng cavities sa pagkain nito. Mayaman din ito sa protein at calcium na siyang nagpapatibay sa ngipin.
MGA PAGKAING MAYAMAN SA PROTEIN
Ang mga pagkain tulad ng karne ng isda, manok at itlog ay mayaman sa protein. Isa pa, sagana rin ito sa phosphate. Ang ngipin ay mas matigas pa sa buto. Sa katunayan, ito ang pinakamatigas na bahagi ng iyong katawan. Ito ay gawa sa mga mineral tulad ng calcium phosphate kaya’t ang pagkaing mayaman sa protein at phosphate ay tumutulong sa pagpapatibay ng ngipin, lalo na kapag patubo pa lang ito.
GULAY AT PRUTAS
Kung mayroon mang pagkain na kailangan nating kahiligan, iyan ang gulay at prutas dahil sa taglay nitong benepisyo.
At bukod sa mainam sa ating diyeta ang pagkain ng gulay at prutas, mabuti rin ito sa ating ngipin. Binabalanse nito ang sugar na ating kinakain dahil matubig ang mga ito at mayaman sa fiber. Nililinis din nito ang ating ngipin at ang pagnguya ng gulay at prutas ay nakatutulong sa saliva production na nagtatanggal sa masasamang acid at mga tinga.
NUTS
Mainam din sa ngipin ang mga pagkain gaya ng mani, almond, kasoy at pili dahil sagana ito sa protein at minerals na tumutulong upang maiwasan ang cavities. Mababa lamang din ang taglay na carbohydrates ng nuts. At kapag mababa ang taglay na carbohydrates ng iyong kinakain, maiiwasan nito ang acid-causing bacteria.
FLUORIDATED WATER
Talagang napakaraming kabutihang naidudulot sa katawan at kalusugan ang pag-inom ng maraming tubig.
Ang pag-inom ng maraming tubig, lalo na ang fluoridated water ay mabuti para sa iyong ngipin. Ito ay dahil nilalabanan ng fluoride ang acid na nagdudulot ng cavities. Nalilinis din nito ang ngipin at napatataas ang lebel ng saliva.
Ang pagkakaroon ng matibay at magandang ngipin ay hindi natatapos sa pagkain ng mga nabanggit. Kinakailangan ding panatilihin ang pagsisipilyo at huwag kalimutang bumisita sa dentista.
Tandaan na sa ating buhay, isang beses lamang tutubo ang permanent teeth. Kaya’t upang makaiwas sa pagkasira nito o anumang impeksiyon, isabuhay ang tamang pangangalaga sa ngipin, hinay-hinay lamang sa mga pagkain o gawaing makasisira rito. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.