“Balita ko may mga benepisyong tumaas ang coverage.Ano ang mga ito?”
– Maricel
Kidapawan City
Hindi ka nagkakamali, Maricel! Kamakailan lang ay tinaasan namin ang halaga ng coverage para sa acute ischemic at hemorrhagic stroke. Kabilang ang mga nasabing kundisyon sa mga madalas na nagiging sakit ng mga Filipino o kadalasang kine-claim sa PhilHealth.
Mula sa dating P28,000 ngayon ay P76,000 na ang maaaring magamit na benepisyo ng mga pasyenteng mayroong acute ischemic stroke o iyong pagkakaroon ng blood clot sa ugat papunta sa utak. Samantalang ginawang P80,000 na ang coverage para sa hemorrhagic stroke o ‘yung pagdurugo sa utak sanhi ng pagputok ng blood vessel mula sa dating P38,000 ito ay magiging epektibo makalipas ang labing limang araw simula ng mailathala sa dyaryo noong ika-9 ng Nobyembre. Talagang napakalaki nang itinaas para sa mga kasong ito. Sa mga susunod na araw ay abangan naman natin ang pagtaas ng rate para sa pneumonia.
Maricel, hindi pa kami nagtatapos d’yan. May panibagong benepisyo pang aasahan ang mga Filipino – ang Outpatient Therapeutic Care para sa Severe Acute Malnutrition. Nakalulungkot isipin ngunit ayon sa UNICEF, noong 2014, 95 na bata sa bansa ang namamatay araw-araw dahil sa malnutrisyon. Ngayong 2023 naman, batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations o SWS, nasa 2.7 milyong pamilyang Filipino ang nakararanas ng pagkagutom dahil sa kawalan ng pagkain.
Masusi naming pinag-aaralan ang benepisyo para sa severe acute malnutrition. Kapag naisapinal na ang mga guidelines, agad namin itong iaanunsyo para magabayan ang mga miyembro para sa paggamit nito.
But wait, there’s more! Para naman sa mga malulubhang sakit tulad ng breast at prostate cancer, tinitignan na rin namin kung paano itataas ang Z Benefits para sa mga ito. Ang aming Z Benefits ay ang sagot sa mahal na operasyon at gamutan para sa mga sakit tulad ng kanser. Bukod pa ito sa aming coverage sa chemotherapy at radiotherapy na kailangan ng ilang cancer patients.
Panghuli, ang open-heart surgery sa mga bata. Kailangang isagawa ito para ma-repair ang puso ng isang batang may congenital heart defects tulad ng Tetralogy of Fallot. Kapag natupad ang pagtaas ng benepisyo para rito, siguradong mas maraming masasalbang buhay ang PhilHealth para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan.
Bunsod na rin ng Universal Health Care Act of 2019, patuloy na makaaasa ang lahat ng mas pinabuti, pinalakas, at pinalawak na benepisyong PhilHealth. Magandang araw sa iyo, Maricel! Stay safe!
Balitang Rehiyon!
Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, mag-text sa aming Callback Channel: 0917-8987442. Text PHICcallback <space> Mobile o Metro Manila Landline number <space> detalye ng concern.
Pwede ring magpadala ng e-mail sa [email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).