MGA PAKIKIBAKA NG KABABAIHANG MANGGAGAWA

(Pagpapatuloy…)
NABASA ko noon na maraming kababaihan ang nagsisimula ng kanilang mga karera sa bandang dulo na ng kanilang buhay, kapag malalaki na ang kanilang mga anak at may kanya-kanya nang buhay.

Hindi na raw nakapagtataka, sabi sa artikulo, na makakita ng mga babaeng manunulat na naglalabas ng kanilang unang libro sa edad na 50 pataas, o yaong mga naglulunsad ng kanilang unang art exhibit sa kanilang senior years, at iba pa.

Kailangan munang unahin ang pamilya. Kung anuman ang matirang panahon pagkatapos nito ay siya nilang gagamitin para makahabol sa kanilang mga kapanabayan, kasama na ang mga kalalakihang nauna na sa kanila nang milya-milya.

Tinalakay rin sa pag-aaral ng Deloitte ang pagtaas ng stress na nararanasan ng mga kababaihan ngayon; halos kalahati ng mga babaeng kalahok sa pag-aaral na nabanggit ay nagpahayag ng pag-aalala tungkol sa kanilang mental health. Ang mga babaeng ito ay may dala-dala ring responsibilidad sa pag-aaruga ng mga anak o kamag-anak, bukod pa sa mga gawaing bahay.

Halos kalahati ng mga babae sa naturang pag-aaral ang nagsabing sila ang pangunahing tagapag-alaga ng kanilang mga anak, at marami sa kanila ang nag-aalaga rin ng iba pang kaanak, tulad ng kanilang mga magulang o kamag-anak na may sakit. Ang malungkot pa rito, patuloy pa rin ang ganitong kalakaran kahit sa mga babae na siyang pangunahing nagtataguyod ng kanilang pamilya (breadwinners). Nagiging mas mahirap tuloy para sa kanila na magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin sa trabaho.

Ang lahat ng ito ay patunay na importanteng mahikayat ang mas maraming employers, mga negosyo o opisina, at organisasyon na mas suportahan ang ating mga kababaihan sa pamamagitan ng paggawa ng mas magagandang programa para paliitin ang tinatawag na gender gap, at mag-alok ng mas maraming oportunidad upang sila ay umunlad.

Kailangan natin ng mas maraming lider na sensitibo sa mga isyu ng kasarian at pagkakapantay-pantay at handang magsikap upang lumikha ng inklusibong mundo ng paggawa.