MGA PARAAN PARA MAWALA ANG AMOY NG CR

WHEN it comes to privacy, banyo na yata ang pinaka-private na lugar sa bahay mo, kaya dapat lamang na ma­ging malinis ito at mabango. Gayunman, hindi ito ang dahilan kung bakit kailangan itong malinis. Sa banyo rin kasi nagbabahay ang lahat ng dumi at mikrobyo na nagiging sanhi ng sakit. Kapag may amoy, sigurado, may bacteria. Kaya alisin ang amoy at umiwas sa sakit. Heto ang mga paraan.

Isa sa mga sign na malinis ang banyo ay ang amoy. Para bumango ang banyo, kadalasan, guma­gamit tayo ng air fresheners, dehumidifiers, at moisture absorbers. Mahal ang mga iyon kaya kailangan ninyo ng malaki-laking halaga para lamang bumango ang banyo. Ang hindi nila alam, may murang paraan para maresolba ang bagay na ito.

Lagyan ng detergent ang toilet tank

Kung may flush ang inyong toilet, makakadagdag sa pag-alis ng amoy ang paglalagay ng sabon sa tubig na ginagamit sa pagpa-flush. Pwedeng powder o liquid na sabon, pero mas praktikal ang bar detergent soap na matagal matunaw dahil maraming beses itong magagamit. Kapag powder at liquid kasi, kailangang lagyan lagi ng sabon pagkakatapos gamitin. Sa bar soap, 7-10 times mo itong gagamitin na hindi kaila­ngang palitan. Actually, isang bar soap isang araw, sapat na. Mas maganda kung may scent ang gagamitin mong sabon. Sa banyo namin, yung lavender, lemon at cherry blossom ang ginagamit ko. Nagtatagal ang amoy ng detergent sa bathroom tuwing ipa-flush ang toilet.

Kung wala naman kayong flush, ang best alternative ay gamitin ang tubig na ginamit mo sa paglalaba. Nakatipid ka na sa tubig, bumango pa ang banyo.

Pamalagiing tuyo ang mga tuwalya at basahan

Ibinibilad natin ang mga damit sa labas ng bahay para hindi mag-amoy kulob. Pero iniiwan natin ang mga tuwalya sa banyo ng basa kaya nangangamoy.

Para maalis ang amoy-kulob, patuyuin muna ang tuwalya sa labas matapos gamitin at saka ipasok uli. Makapal ang bath towels kaya dapat itong ibilad ng isang buong araw. Mas mabuti ring palaging labhan ang tuwalya para hindi bumaho at para maalis ang dead skin cells sa katawan.

Gumamit ng lemon o kalamansi

Best friend ng bathroom ang lemon at kalamansi. Gamitin ito para matanggal ang soap scums sa tiles, panlinis ng salamin, at pang-alis ng kalawang. Nakakaalis din ito ng mabahong amoy. Pwedeng mag-iwan ng lemon slices sa mga lugar sa bathroom na malapit sa pinanggagalingan ng amoy. Okay talaga ang lemon at kalamansi para ma-neutralize ang amoy.

Pwede ring pagsamahin ang ½ cup ng le­mon/calamansi juice, 2 cups ng mainit na tubig, at 1/8 cup ng ba­king soda. Ilagay ang mixture sa spray bottle at mag-spray sa banyo.

Itapon palagi ang basura

Syempre, mabaho ang basura sa banyo. Alam naman ninyo kung saan ito nanggaling. Kaya dapat lang na palagi itong itapon. Huwag mo nang hintaying mapuno ang basurahan. Kung pwede, araw-araw itong itapon. Kung masyadong kokonti, kahit twice a week pwede na.

Siguruhin ding may takip ang bathroom trash can. Kung may badyet kayo, gumamit ng scented trash bags na nabibili online. Mahal kesa karaniwang trash bags pero nakababawas ito sa amoy ng banyo.

I-ventilate ang banyo

Kailangang may bintana o exhaust fan ang banyo para makalabas ang masamang hanging dala ng – alam mo na! Minsan kasi, nakakaligtaan ito. Kung walang bintana ang banyo, maglagay ng exhaust fan para ma-regulate ang moisture na lagi na lang present sa bathroom. Kung walang pambili ng exhaust fan, pwede na rin ang regular fan. Buksan ang pinto para makalabas ang amoy. Pwede ring punasan ang dingding ng banyo pagkatapos mag- shower.

Magsindi ng posporo at patayin ito

Yung usok mula sa pali­to ng posporo ay nakakaalis ng masamang amoy – hindi nga lamang lahat. Pwede rin ang kandila. Kahit magtagal pa kayo sa toilet, hindi gaanong magiging maamoy. Ang maganda dito, sinisipsip ng usok ng posporo o kandila ang masamamg amoy kaya walang natitira. Pwede rin daw ang pagsunog ng tissue paper pero baka makasunog ka kaya wag na lang.

Gumamit ng Activated Charcoal

Medyo hindi maganda sa mata, pero malaking tulong ang uling para ma-deodorize ang banyo lalo na kung activated. Sinisipsip nila ang amoy.

Maglagay ng dinurog na uling malapit kung saan nanggagaling ang amoy. Huwag kalilimutang palitan ito minsan isang linggo. Isa pang option ang baking soda kung walang uling, pero syempre, mas mahal ito kesa uling.

Clean Your Bathroom

Iba yung inalis mo ang amoy sa nilinis mo ang banyo. Mas maganda kung malinis na nga, mabango pa. Kahit kasi anong ilagay mong pabango sa banyo, kung marumi naman, walang mangyayari. Linisin ang banyo araw-araw.  JAYZL VILLAFANIA NEBRE