MGA PASAHERO NG LRT PINAGAGAMIT NA LANG NG BEEP CARD

BEEP CARD

HINIKAYAT  ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang mga mananakay ng LRT line 2 na bumili at gumamit na lamang ng tinatawag na multiple journey tickets o beep card.

Ayon kay LRTA Spokesperson Atty. Hernando Cabrera, ito ay upang mabawasan ang posibilidad ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa malimit na pagbili ng ticket.

Ani Cabrera, plano rin nilang bawasan paunti-unti ang pagbebenta ng ticket sa mga teller booth para maiwasan ang human to human transaction.

Sa halip ay palalakasin, aniya, nila ang paggamit ng mga ticket vending machine para sa pagbebenta ng mga ticket.

“Malaking bilang pa rin ng mga pasahero natin na pagpasok nila sa trabaho sa umaga bibili ng ticket, pag-uwi nila galing opisina pauwi ng bahay bibili ulit ng ticket. So, everyday dalawang beses sila na pumipila so, ini-encourage namin sila ngayon kung puwede mag-ipon tayo, na magbayad na lang ng good for 3 days o kaya ‘yung good for 1 week ‘yung ating bibilhin na ticket para minsanan lang ‘yung bili at maiwasan nga ‘yung transmission kasi nga ‘yung transmission na (baka) manggaling mismo sa ticket or doon sa pera, doon sa barya,” sabi ni Carbrera.

Sinabi pa ni Cabrera na kabilang din sa kanilang inilatag na protocol ang pagsasailalim sa ultraviolet disinfection process ng lahat ng tingi-tingi o single journey ticket ng LRT-2.

“Tutal itong single journey ticket nating  ‘to araw-araw kinokolekta natin ‘yun, ibabalik doon  para lagyan ng coding, so, isasama na natin siya sa project na kapag nilalagyan sila ng coding idi-disinfect din natin,” aniya. DWIZ 882

Comments are closed.