BUMABA ang unemployment rate sa 3.5 percent noong Pebrero ng kasalukuyang taon mula 4.5 percent noong Enero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang briefing, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na base sa time series, ang unemployment rate noong Pebrero 2024 ang second lowest na naitala magmula nang mairehistro ang 3.1 percent noong Disyembre 2023.
Mas mababa rin ito sa unemployment rate noong Pebrero ng nakaraang taon na 4.8 percent.
Ayon kay Mapa, ang bilang ng unemployed Filipinos ay bumaba sa 1.8 million mula 2.47 million at 2.15 million noong Pebrero 2023 at Enero 2024, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang Labor Force Participation Rate (LFPR) ay nasa 64.8 percent o 50.75 million Filipinos na may edad 15 at pataas na employed o unemployed.
Mas mababa ito sa 66.6 percent LFPR na naitala noong Pebrero ng nakaraang taon kung saan nag-withdraw sa labor force ang young people (-669,000) at mga kababaihan (-404,000).
“The needs of vulnerable groups, including women, youth, older people, and those with disabilities, remain our priority to encourage workforce participation. We will improve access to quality childcare, finance, and entrepreneurship opportunities to support women’s entry and retention in the labor market,” wika ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa hiwalay na pahayag.
Samantala, tumaas ang employment rate sa 96.5 percent noong Pebrero mula 95.5 percent noong Enero at 95.2 percent noong Pebrero 2023.
Ang bilang ng mga may trabaho ay naitala sa 48.95 million, mas mataas sa 48.80 million noong Pebrero 2023 at sa 45.94 million noong Enero 2024.
Ang major industries na may pinakamalaking pagtaas sa employment ay kinabibilangan ng construction (470,000), transportation and storage (444,000), administrative and support service activities (344,000), manufacturing (313,000), at accommodation and food service activities (210,000).
Pumalo naman ang underemployed persons – o yaong mga naghahangad ng dagdag na oras sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng karagdagang trabaho — sa 6.08 million, bumaba mula 6.29 million noong nakaraang taon.
(PNA)