MGA POLITIKO SURIING MABUTI PARA SA 2022 POLLS-ARC PABILLO

Brode­rick Pabillo

HINIMOK ni Manila Archdiocese Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga botante na maaga pa lamang ay pag-aralan na ang mga politiko at mga isyung kinasasangkutan ng mga ito upang makapamili ng mahusay na ibobotong kandidato sa May 2022 national and local elections.

Kasunod na rin ito ng unti-unti ng paglulutangan ng mga pangalan ng mga politikong posibleng tumakbo sa susunod na eleksiyon.

Ayon kay Pabillo, dapat na pag-ukulan ng panahon ng mga botante ang pagsusuri sa mga potensiyal na kandidato upang matiyak na ang iboboto nila sa halalan ay magiging mabuting lider ng bansa.

“They (voters) should be discerning,” ani Pabillo “It is good that names are starting to arise, they should start their research on them.”

“Who are these people? What have they accomplished? What can they contribute to the country? As early as now, people should be talking about it,” aniya pa.

Nauna rito, naglabas na rin ang Commission on Elections (Comelec) ng calendar of activities para sa presidential elections na nakatakdang idaos sa May 9, 2022.

Itinakda na ng poll body ang paghahain ng kandidatura ng mga kakandidato mula Oktubre 1 hanggang 8, kabilang ang araw ng Sabado at Linggo.

Ang panahon naman ng pangangampanya ng mga kandidato para sa national position, kabilang ang president, vice president, senators at party-lists ay mula Pebrero 8 hanggang Mayo 7, 2022, samantala ang campaign period para sa  local candidates kabilang ang congressmen at elective local officials ay itinakda mula Marso 25 hanggang Mayo 7, 2022.

Kasabay nito, hinikayat ni Pabillo ang mga kuwalipikadong botante na magparehistro para makaboto sa 2022 elections.

Una nang sinabi ng Comelec na magtatapos ang voter registration sa Setyembre 30 at hindi na nila ito palalawigin pa.

“Our message is that everyone should be registered,” ani Pabillo, “especially the youth and those who have not voted twice so that they can vote and that they can be counted.” ANA ROSARIO HERNANDEZ

3 thoughts on “MGA POLITIKO SURIING MABUTI PARA SA 2022 POLLS-ARC PABILLO”

Comments are closed.