BUNSOD ng inaasahang dagsa na bibisita sa mga sementeryo isang linggo bago ang araw ng Undas, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na naka-deploy sila sa paligid nito, lansangan at iba pang estratehikong lugar.
Ayon kay PNP ChiefGen. Camilo Pancratius Cascolan, inilatag na nila ang preemptive measures para sa patuloy na pagbisita ng mga tao sa sementeryo dahil sa isasara ito mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.
Nauna nang ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sarado ang sementeryo sa Undas dulot ng COVID-19 pandemic upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa.
Ani Cascolan, dahil sarado ang sementeryo sa mismong araw ng mga patay, inaasahan na may mga pasaway na sisilip pa rin sa mga puntod at gagawa ng paraan para makapasok sa sementeryo.
“Bilang preparations, we will enforce to follow the protocols of IATF, lalo na ‘yung social distancing and wearing of face mask and face shield, but yes, may mga kababayan tayo na maaaring magpunta ilang araw bago ang Undas sa sementeryo, kaya nakaalalay rin kami para sa kanilang kaligtasan,” ayon kay Cascolan.
Nilinaw ni Cascolan, tututukan ng mga awtorida ang mga taong magtutungo sa sementeryo upang paalalahanan na sumunod sa health protocols at magbantay laban naman sa mananamantala.
Kompiyansa rin ang PNP Chief na handa ang JTF COVID Shield na pinamumunuan Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Muli nanawagan sina Cascolan at Eleazar sa taumbayan na mag-ingat sa paglabas at sumunod sa health protocols. EUNICE C.
Comments are closed.