NADAKIP ng Pasig City Police Sub-station 6 ang dalawa katao dahil sa pag-iingat ng shabu kamakalawa ng umaga sa nasabing lungsod.
Tinatayang umaabot sa halagang P2,733,000 ang nasa may 402 gramo ng shabu na nakumpiska sa mga suspek na sina Antonio Mina alyas ‘Dinto’, 43-anyos. ng Brgy. Sta. Cruz, Pasig City at John Nino, 25-anyos, buko vendor at residente ng Brgy. Palatiw, Pasig City.
Batay sa ulat, dakong alas-11:50 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Sub-Station 6 kaugnay sa nagaganap na tupada sa Evangelista Compound, Brgy. Palatiw, kaya agad na rumesponde sina Pat. Ray Mark Soriente at Pat. Raymart Agad sa pamumuno ni P/Capt. Medel Rafuzon, Sub-station 6 commander ng Pasig City Police, subalit wala silang naabutang tupada.
Sa pagroronda ng mga pulis, namataan nito ang mga suspek na inaabot ang plastic sachet sa isang lalaki at nang sitahin ay biglang nagpulasan ang mga ito.
Agad na hinabol ng mga pulis kasama sina PCpls Cawaling at Dalanon hanggang sa maaresto ang mga suspek subalit, nakatakas ang hinihinalang nagtutulak ng ilegal na droga.
Comments are closed.