Nag-iisip ka ba ng panregalo sa kaibigan o kapamilya mong sa tingin mo ay nasa kanya naman na ang lahat? O kaya naman, may mga kailangan kang regaluhan pero hindi ka talaga sigurado kung ano ang kanyang magugustuhan? Narito ang ilang suggestions para sa makabuluhang pamasko.
Una, subukan mong magbigay ng gift certificate o gift card para siya na lamang ang pumili.
Halimbawa, kung mahilig siyang magbasa, puwedeng magbigay ng bookstore gift card. O kaya naman, kung mahilig magkape, puwede ring magbigay ng coffee shop gift certificate.
Magandang ideya rin na magbigay ng mga tickets sa mga shows, concerts, workshops, at bakasyon. Halimbawa, para sa mga mahilig magluto, puwede mo silang i-enroll sa isang cooking class. O kaya naman ay mag-book ka ng weekend stay sa isang wellness resort.
May mga affordable choices din kagaya ng spa GC, restaurant GC, at department store GCs!
Pero kung limitado ang iyong budget, hindi naman kailangang bumili dahil marami ka ring puwedeng gawing panregalo na hindi kailangang gumastos ng malaki. Halimbawa, homemade cookies, painting, beaded bracelets, at marami pang iba. Mas ma-a-appreciate ng pagbibigyan ang isang bagay na sadyang pinaghirapan mong gawin.
Bilang panghuling suhestyon, maaari kang magbigay ng donation sa isang charity, organization, orphanage, NGO, rescue facility, at iba pa. Karaniwan nang nagbibigay ang mga ito ng mga certificate na nagtataglay ng pangalan ng donor, kaya pwede mong ipalagay ang pangalan ng iyong pagbibigyan ng regalo at sabihing nagbigay ka ng donasyon sa kanyang pangalan. Halimbawa, kung animal lover ang iyong pagbibigyan, maraming animal rescue organizations kang puwedeng pagpilian. Nakatulong ka na, nakapagbigay ka pa ng makabuluhang pamasko.