HALOS tatlong taon na rin mula nang yanigin ng pandemyang COVID-19 ang buong mundo. Bagaman nananatili pa rin ang virus at patuloy sa pag-mutate, naging malaki na rin ang pinagbago ng takbo ng mga bagay-bagay kaugnay nito.
Mula sa serye ng mga mahihigpit na lockdown noong unang taon ng pandemya na nagkaroon ng matinding epekto sa operasyon ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa bansa, unti-unti na ring natuto ang mga tao na magpatuloy sa pamumuhay na siyang nagbigay-daan sa pagkakaroon ng “new normal”.
Sa kasalukuyan, halos lahat ng bansa maging ang Pilipinas ay nakatutok sa muling pagbangon mula sa epekto ng pandemya kaya hindi kataka-takang ang direksiyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ukol sa usaping ito ay ang suportahan ang mga start-up na negosyo sa bansa at ang mga MSME. Ang pagluwag ng mga ipinatutupad na protokol sa bansa ay napakagandang pagkakataon upang isulong ang operasyon ng mga MSME upang lumago ang negosyo ng mga ito.
Napapanahon ang istratehiyang ito dahil maraming mga MSME ang nangangailangan pa rin talaga ng tulong upang malabanan ang epekto ng mataas na antas ng inflation sa bansa na nakaaapekto sa operasyon nito. Kung mapapaigting ang suporta sa mga ito, tiyak na malaki ang maitutulong nito sa pagpapataas ng antas ng employment ng bansa.
Tinatayang nasa 63% kasi ang kontribusyon ng MSME sa paglikha ng trabaho sa bansa. Kung mas marami ang may trabaho, mas marami ang may kapasidad na bumili ng mga pangangailangan sa araw-araw. Sa ganitong paraan, mapapababa rin ang antas ng kahirapan sa bansa.
Inatasan ni PBBM ang Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng isang sistema kung saan ang mga miyembro ng pampubliko at pribadong sektor ay magsasanib-pwersa sa pagsuporta sa mga start-up na negosyo at mga MSME sa bansa.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan na mabigyan ng kinakailangang mga koneksiyon ang mga start-up at mga MSME sa mga kompanya at mga imbestor na maaaring makatulong sa usapin ng kapital upang lalong mapalago ang mga ito.
Lubos akong sumasang-ayon sa istratehiya ni PBBM. Napakaraming mga negosyo na may magagandang produkto at serbisyo sa bansa. Kung ang mga ito ay maipapakilala sa publiko at mabibigyan ng pagkakataon na palaguin ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng access sa karagdagang kapital, tiyak na mas dadami pa ang mga mahihikayat na magtayo ng negosyo. Bilang resulta, dadami rin ang magbubukas na pagkakataon para sa mga naghahanap ng trabaho.
Mainam kung maipapatupad ang suhestyon na ibinigay ni Go Negosyo founder Jose Ma. “Joey” Concepcion III na mailagay ang mga produkto at serbisyo ng mga start-up at mga MSME sa mga malalaki at sikat na mga mall sa rentang abot-kaya ang halaga. Ang mataas na singil kasi sa renta ng espasyo sa mga mall ang isa sa mga nagiging hadlang sa mga MSME para gawin ito. Malaking tulong din ito sa kasalukuyang programa ng DTI na Go Lokal kung saan nagsasagawa ito ng mga bazaar at mga caravan para sa mga MSME kung saan nabibigyan ang mga ito ng pagkakataon na i-promote ang kanilang mga produkto.
Ang panawagang ito ni PBBM ukol sa pagsuporta sa mga start-up at MSME sa bansa ay alinsunod sa kanyang sinabing walang dapat mapag-iwanan. Ang tunay na kahulugan ng maunlad na bansa ay kapag ang bawat mamamayan nito ay may sapat na kapasidad na mamuhay ng maayos, at hindi lamang basta nakararaos sa bawat araw.
Kung magkakaroon ng sistema kung saan ang mga negosyong bagong umuusbong at ang mga kapwa nito MSME ay makatatanggap ng sapat na suporta mula sa pamahalaan at sa mga malalaking kompanya na miyembro ng pribadong sektor, mas maraming ang maglalakas loob na magtayo ng negosyo. Mas dadami rin ang magbubukas na trabaho para sa mga mamamayang walang hanapbuhay – isang bagay na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Patuloy ang pagbuti ng sitwasyon ng bansa kaugnay ng pandemyang COVID-19 at dapat itong samantalahin ng pamahalaan upang tulungan ang mga sektor na lubos na nangangailangan ng suporta mula rito.