QUEZON CITY –ARESTADO ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamunuan ni Director, PCSupt Joselito Esquivel Jr. ang 11 suspek sa anti-illegal drugs at anti-criminality operations.
Una na rito ang pagkakaaresto ng Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni Supt. Rossel Cejas sa suspek na si Alex Correa, 45, vendor, mula sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, bandang alas-12:10 ng umaga nito lamang Disyembre 11, 2018, sa kahabaan ng Sta. Barbara St. malapit sa kanto ng Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches. Ang suspek ay may dalang matalas na bagay habang ito ay nakatayo sa kalsada na kalaunan ay nakuhanan ng (2) pakete ng shabu.
Arestado naman ng Fairview Police Station (PS 5) sa ilalim ni PSupt Benjamin Gabriel Jr., matapos ikasa ang buy bust ops laban sa suspek na si Wharf Casquejo, 33 at Danilo Lasala, 31, kapuwa mula sa Brgy. Kaligayahan na inaresto naman bandang 7:30 kamakalawang gabi sa Woodpecker St. cor. Nightingale St., Brgy. Kaligayahan. Nakuha mula sa mga ito ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at ang buy bust money na ginait sa operasyon.
Arestado rin ng station 5 ang suspek na si Christian Quiambao, 24 ng Norzagaray, Bulacan, bandang alas-9:00 ng kamakalawang gabi sa loob ng SM Fairview. Una na itong inaresto ng mga tauhan ng security personnel ng naturang mall dahil sa pang-uumit ng chocolate at pares ng medyas matapos kapkapan ay nakuhanan naman ng pakete ng shabu.
Naaresto naman ng tauhan ng Batasan Police Station (PS 6) sa ilalim ni PSupt Joel Villanueva sa isang buy bust ang suspek na si Jhelru Alicando, 33, Jane Padeso, 18, at Margarita Mendoza, 44, kapuwa mga residente ng Area A, Brgy. Payatas at sagipin naman ang isang 17-anyos na menor de edad bandang alas-8:30 kamakalawang gabi sa No. 157 San Miguel St. Area A, Brgy. Payatas. Nakuha mula sa mga ito ang 9 na pakete ng hinihinalang shabu, isang ziplock na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nadakip naman ng mga tauhan ng Kamuning Police Station (PS 10) sa ilalim ni PSupt. Louise Benjie Tremor sa buy bust operation ang suspek na si Mark John Tiburcio, 21, ng Brgy. Baesa, bandang alas-12:15 kahapon ng umaga, sa kahabaan ng Monte de Piedad malapit sa kanto ng EDSA, Brgy. Immacu-late Conception. Nakuha mula sa suspek ang anim na pakete ng ‘di pa matukoy na rami ng pinatuyong dahon ng marijuana leaves at ang buy bust money na ginamit sa operasyon. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.