PATULOY ang pagdami ng mga freelancers hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa ibat ibang lugar sa labas ng bansa.
Nag-aalok ng napakaraming trabaho bawat araw ang malalaking online platforms sa milyon-milyong gig workers sa ibat ibang panig ng mundo. Kabilang dito ang mga virtual assistants, content creators, visual artists, at iba pang kontraktwal na manggagawa. Para sa maraming pamilya, nakasandal ang pangangailangan ng mag-anak sa freelance work at sa industriyang ito.
Hindi rin maikakaila na puno ng hamon at problema ang industriya—mula sa mga isyu sa pagbabayad ng buwis at pagpaparehistro hanggang sa mga problema tungkol sa tamang bayad, paggamit ng Gen AI at mga isyu sa intellectual property, hanggang sa mga problema sa pagpepresyo at paglalathala ng akda.
Kulang ang mga batas sa Pilipinas upang matiyak na ang mga karapatan at kapakanan ng ating mga gig workers ay mapangalagaan. Bihira man ang mga inisyatiba mula sa komunidad mismo, nangyayari din naman ang mga ito.
Isa sa mga organisasyon na patuloy na nagsisikap para sa kapakanan ng mga freelance writers sa Pilipinas ay ang Freelance Writers’ Guild of the Philippines (FWGP). Sa darating na Hulyo 13, magdaraos sila ng isang back-to-back event sa Quezon City Public Library (QCPL) na matatagpuan sa loob ng Quezon City Hall compound. Ang “Inks and Insights: The 1st FWGP Book Fair” ay hindi lamang isang book fair, tampok din dito ang serye ng mga talakayan sa mga napapanahong paksa na may kinalaman sa propesyon ng ating mga freelance workers.
Ang event na ito ay magsisimula ng 8:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.
Libre ang pagpasok sa book fair, habang ang ticket sa apat na talakayan ay mabibili sa halagang PHP 1,500. Kasama na sa bayad ang access sa seminar, sertipiko ng pagdalo, at simpleng meryenda. Ang publiko ay maaaring magpalista o magpadala ng katanungan sa pamamagitan ng email: [email protected]
(Itutuloy…)