Bukas, ipagdiriwang na natin ang Christmas Eve at Noche Buena sa gabi. Dito sa Pilipinas, espesyal ang araw na ito dahil nagsasama-sama ang magkakamag-anak.
Nagluluto ng mga pagkain na pagsasaluhan at iyong iba ay may mga niluluto pang mga tradisyunal na putahe o heirloom recipes.
Ilan lamang ito sa mga karaniwan nang ginagawa sa araw na ito. Pero naisip mo ba kung ano kaya ang kaugalian ng mga tao sa ibang lugar?
Sa Iceland, halimbawa, nagpapalitan sila ng mga libro sa bisperas ng Pasko. Magbabasa sila sa tabi ng fireplace habang nagsasalo-salo.
Ito ay isang napaka-payapang paraan ng pagdiriwang.
Sa Portugal naman, maraming pamilya ang naglalagay ng ekstrang mga plato sa hapag para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Naniniwala kasi sila na swerte raw ito.
Sa Venezuela naman, ipinagdiriwang ang Bisperas ng Pasko sa pamamagitan ng tinatawag nilang Las Patinatas. Isa itong roller skating party sa kalsada na tumatagal buong gabi. Habang tumutugtog ang mga awiting pam-Pasko ay nag-i-skate ang mga kalahok. Pagkatapos ay magsasalo-salo na ang lahat bago dumalo sa Misa de Gallo.
Sa Norway naman, itinatago nila ang kanilang mga walis at mop sa Bisperas ng Pasko dahil naniniwala silang gagamitin ito ng mga kampon ng kadiliman upang mag-ikot sa pamamagitan ng paglipad.
Madalas ay masaya ang pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko, ngunit hindi naman laging ganoon. May mga pamilyang itinuturing ito na isang ordinaryong araw lamang dahil maaaring may trabaho sila, wala silang panggastos, mayroon silang mahal sa buhay na pumanaw, o may kasalukuyang nagaganap na kaguluhan sa kanilang lugar. May mga tao ring mag-isa sa Bisperas ng Pasko, sadya man nila ito o hindi.
Siyempre pa, itong maiksing kolum ay isinulat ko para sa mga taong naniniwala sa Pasko at kay Kristo. Hindi ako maaaring magbigay ng pahayag para sa mga hindi nagdiriwang ng Pasko. Ngunit para sa ating naniniwala sa diwa ng Pasko, nais kong sabihin na hindi naman mahalaga kung paano natin ito ipagdiriwang dahil may iba’t-ibang paraan ang bawat isa, bawat kultura. Ang importante lang ay ang ating pakikitungo sa kapwa at mga mahal natin sa buhay, ang ating pagbabahagi at malasakit sa kapwa, at ang pag-asa at tuwa na nasa ating puso ngayong Pasko.
Maligayang Pasko po sa lahat. Nawa’y makabuluhan, maligaya, at puno ng pagpapala ang inyong selebrasyon!