MGA UNANG EO NI PBBM, HUDYAT NG SIMULA NG EPISYENTENG PAMAMAHALA SA PILIPINAS

Joe_take

HIGIT isang linggo pa lamang ang nakararaan mula nang pormal na nanumpa si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. bilang ika-17 Presidente ng Pilipinas.

Isang bagay na nakagawian na ng mga mamamayan at ng media ay ang pag-aabang sa kauna-unahang ilalabas na executive order (EO) nito. Sa unang pitong araw ng bagong administrasyon, dalawang EO agad ang inilabas ni PBBM.

Sa pagsisimula ng kanyang pamumuno, nagsagawa si PBBM ng mga pagbabago sa istruktura ng nakaraang administrasyon na kanyang ipinatupad sa ilalim ng unang EO. Ang hakbang na ito ay kinakailangang akma sa istilo sa pamumuno ng istruktura ng isang administrasyon. Ito ay upang masigurong magiging episyente ang pagpapatakbo sa bansa.

Sa ilalim ng kanyang unang EO, iniutos niya ang pagbuwag sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), ang sangay na binuo at inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mga alegasyon ng korupsiyon na patukoy sa mga appointee nito. Ang jurisdiction, kapangyarihan, at responsibilidad ng PACC ay inilipat sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.

Kabilang din sa ipinatutupad na mga pagbabago ang pagbuwag sa Office of the Cabinet Secretary. Ang Cabinet Secretariat ay magiging bahagi na ng Presidential Management Staff. Kasama ang Executive Secretary, pangangasiwaan ng mga ito ang mga diskusyon sa mga pagpupulong ng mga miyembro ng gabinete.

Sa bisa ng EO no. 1, magkakaroon din ng kontrol ang Executive Secretary sa mga ahensiyang nakakabit sa Office of the President. Ang Executive Secretary ay magiging katuwang ng Office of the Special Assistant to the President, mga adviser at mga kawani, at ng Presidential Management Staff sa pagbibigay ng suporta kay PBBM.

Binuo rin ni Pangulong Marcos ang Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs na magiging bahagi ng Office of the Special Assistant to the President. Kahalintulad ito ng isang posisyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte na tinawag nitong Presidential Adviser on Military Affairs.

Sa ilalim naman ng ikalawang order, ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay ibinalik naman sa Office of the Press Secretary (OPS). Saklaw ng OPS ang lahat ng hurisdiksyon, kapangyarihan, at responsibilidad na may kinalaman sa komunikasyon.

Ang APO Production Unity, Bureau of Broadcast Services, Intercontinental Broadcasting Corporations, National Printing Office, News and Information Bureau, at People’s Television Network ay mga ahensiya sa ilalim ng OPS. Sa kabilang banda, ang Radio Television Malacañang (RTVM) o ang Presidential Broadcast Staff naman ay pangangasiwaan ng Presidential Management Staff dahil ang responsibilidad nito ay ang i-dokumento ang mga aktibidad ng Pangulo.

Ang Philippine Information Agency (PIA) naman ay direktang pangangasiwaan ng Office of the President. Pinalawig din ang hurisdiksiyon ng nasabing ahensiya dahil isasama na rito ang Bureau of Communications Services, Freedom of Information-Program Management Office, at ang Good Governance Office.

Sa pamamagitan ng mga ipinatupad na pagbabago sa bisa ng unang dalawang EO ni PBBM, sa aking pananaw ay maaaring magiging mas episyente ang takbo ng administrasyon. Magiging mas malinaw ang sistema dahil sa walang mga sangay na pareho o may pagkakahawig sa mga opisyal na tungkulin.

Maituturing na kapana-panabik ang mga susunod na hakbang ng administrasyon. Ang mapanuri at mahusay na pagpili ng mga miyembro ng gabinete at pagsasagawa ng pagbabago sa istraktura ng administrasyon ay maituturing na magandang simula para sa administrasyong Marcos. Ang pagbibigay sa Executive Secretary ng kontrol at awtoridad sa mga ahensiyang nakakabit sa Office of the President ay tiyak na magreresulta sa mahusay at episyenteng pagpapalakad sa pamahalaan.

Bagaman nananatiling mababa ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, naririto pa rin ang pandemyang ito. Kakabit ng pagpapalit ng administrasyon sa gitna ng krisis pangkalusugan ay ang samu’t saring hamon na tiyak na kahaharapin nito gaya ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, pagsiguro na mayroong sapat at maaasahang suplay ng kuryente, pagtaas ng presyo ng mga produkto at bilihin, posibilidad ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, at iba pa.

Kaya napakahalaga para kay PBBM ang pagkakaroon ng mga miyembro ng gabinete na maituturing na eskperto sa kanilang pangangasiwaang opisina at ang istruktura ng administrasyon ay maayos at akma sa plano at istratehiya nito. Sa aking nakikita, maganda at mahusay ang daang tinatahak ng administrasyon ni PBBM tungo sa muling pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.