Pinagkalooban si Transportation Secretary Jaime Bautista ng plaque of appreciation ng Rotary Club of Manila (RCM) kung saan siya nagsalita tungkol sa mga proyekto ng DOTr upang magudyok ng paglago ng ekonomiya. Siya ay napapagitnaan nina District Governor-elect Jackie Rodriguez (kaliwa) at RCM President Rafael M. Alunan III.
IBEBENTA kalaunan ng pamahalaan ang Manila International Airport (MIA) sa sandaling mag-operate na ang dalawang international airports na itinatayo — ang Bulacan at Sangley airports — kung saan nasa P7 trillion ang inaasahang kikitain mula sa 70-hectare prime lot.
Ito ang ibinunyag ni Transportation Secretary Jimmy Bautista sa isang forum matapos ang kanyang talumpati sa Rotary Club of Manila kahapon sa Manila Polo Club.
Sa naturang okasyon ay ipinaliwanag niya ang 8-point socio-economic agenda ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr. na naglalayong mabawasan ang halaga ng pagnenegosyo, magdulot ng carbon neutrality, lumikha ng mga trabaho, mapaghusay ang mobility, at mag-udyok ng paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Bautista, sa P1 million per square meter, ang pamahalaan ay maaaring kumita ng P7 trillion mula sa eventual sale ng MIA bagama’t bago ito mangyari, kailangang nag-o-operate na ang Bulacan at Sangley airports.
Samantala, sisimulan ng pamahalaan ang pagmodernisa sa lumang airport na masikip na ngayon. Ayon kay Bautista, ang airport ay may kapasidad lamang na 32 milyong pasahero subalit kailangan nitong tanggapin ang 60 milyong pasahero.
“It is difficult to solve congestion,” ani Bautista, ngunit magpapatupad, aniya, ang gobyerno ng mga bagong paraan sa pagresolba sa problema at kabilang dito ang pangangailangan na dagdagan ang immigration counters.
Sinabi ni Bautista na sinisikap ng DoTR na “paghusayin ang passenger experience” sa pagpapalawak sa terminal.
Ang isang terminal na nakatakdang magbukas ay ang nasa lumang Philippine Village Hotel, kung saan maaaring itayo ang isa pang terminal, bagama’t may court issue na hindi pa nareresolba.
“Also, we are adding more immigration counters,” pahayag ni Bautista.
Kinukuha ngayon ng gobyerno ang espasyo na inookupahan ngayon ng concessionaires para sa planong improvements. Noong nakaraang July, ang 26 immigration counters ay ginawang 44. Ang lahat ng improvements ay naglalayong magbigay ng kaginhawaan sa mga pasahero. At kabilang dito ang pag-upgrade sa air conditioning system.
Ayon kay Bautista, ang mga proyektong isinasagawa ay kinabibilangan ng pagharap sa traffic situation kung saan tinukoy niya ang isang pag-aaral na nasa P1.277 trillion kada taon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa trapik. Kaya naman nagtatayo na ang pamahalaan ng mga bagong riles ng tren, at ikinakasa na rin ang “shovel-ready” infra modernization thrusts. Ang mga proyekto ng DoTR ay kinabibilangan ng pagmodernisa sa Kalibo, Catbalogan, Laguindingan at Caticlan airports at ng pagsusulong ng rail lines, kabilang ang sa Mindanao.
Ang lahat ng proyektong ito ay naglalayong mapasigla ang ekonomiya lalo na matapos ang COVID-19 pandemic.
-LITO GAGNI