MIF BILL KABILANG SA PRIORITY BILLS NG SENADO SA 2023

KABILANG ang panukalang paglikha ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa mga prayoridad ng Senado sa pagpapatuloy ng session nito sa susunod na buwan.

Ito ang kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva nang tanungin hinggil sa listahan ng priority measures ng Senado sa pagpapatuloy ng session ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Enero 23, 2023.

“In 2023, we foresee the Senate taking up the priority measures of the administration such as the establishment of the Virology Institute, Medical Reserve Corps, and the National Center for Disease Prevention and Control,” sabi ni Villanueva.

Kabilang din sa priority measures ang panukala para sa condonation ng agrarian reform payments.

Ang unang tatlong bills na binanggit ni Villanueva ay kabilang sa 19 priority measures ng administrasyong Marcos.

Sa kasagsagan ng paliwanagan hinggil sa tunay na layunin ng MIF bill, sinertipikahan ito ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr. bilang urgent measure na agad sinundan ng third reading approval sa Kamara.

Ang bill ay nakakuha ng suporta sa 279 kongresista laban sa anim na tumutol sa panukala.

Bukod sa MIF at mga panukala na naglalayong tugunan ang health concerns ng bansa, ipaprayoridad din ng Senado ang bill na may kaugnayan sa trabaho.