MIGUEL BALIK VOLLEYBALL HEAD COACH NG LADY BULLDOGS

INANUNSIYO ng National University ang pagbabalik ni Norman Miguel bilang head coach ng women’s volleyball team nito.

Si Miguel ay nasa kanyang ikalawang tour of duty para sa Lady Bulldogs, kung saan ginabayan niya ang koponan ng dalawang seasons mula 2019 hanggang 2020.

“National University is thrilled to have coach Norman Miguel back as the new head coach of the NU Girls’ and Women’s Volleyball Teams,” pahayag ng unibersidad sa social media accounts nito.

Pumalit kay Karl Dimaculangan, na ang tenure ay tinampukan ng pagtuldok sa 65-year championship drought noong nakaraang season at ng runner-up finish noong nakaraang Mayo, mamanahin ni Miguel ang Lady Bulldogs na maaari pa ring lumaban para sa korona sa kabila ng graduation nina Cess Robles, Joyme Cagande at libero Jen Nierva.

Pangungunahan nina Season 84 MVP Bella Belen, Alyssa Solomon, Camilla Lamina at Shaira Mae Jardio ang kampanya ng NU sa ilalim ni Miguel.

Sa kanyang unang taon sa Bulldogs noong 2019, nagtala si Miguel ng 4-10 record at hindi nakapasok sa Final Four.
Sinimulan ng NU ang Season 82 sa dalawang sunod na panalo nang makansela ang torneo dahil sa COVID-19 pandemic, na tumapos sa stint ni Miguel.

Papalitan din ni Miguel ang kanyang malapit na kaibigan na si Vilet Ponce de Leon, na ginabayan ang Bullpups sa ikalawang sunod na UAAP high school girls volleyball championship ngayong taon.

Bukod kay Miguel, ang iba pang mga bagong mukha sa Season 86 ay sina Adamson’s JP Yude at University of the East’s Jerry Yee. Itinalaga naman ng Far Eastern University si Manolo Refugia sa interim basis.

Pinalitan ni Yude si Yee, na lumipat sa Lady Warriors makaraang igiya ang Lady Falcons sa third place finish sa Season 85.