MILF CHAIRMAN AL HAJ MURAD BIBISITA SA CAMP AGUINALDO

MILF CHAIRMAN AL HAJ MURAD

SA kauna-unahang pagkakataon, papa­sukin ng dating military tactician at pinuno ng Moro Islamic Liberation Front Military Affair Al Hajj Murad ang Camp Aguinaldo upang personal na makaharap si Armed Forces of the Philippines chief of Staff Gen. Carlito Galvez.

Ayon kay Col Noel Detoyato, pinuno ng AFP Public Affairs Office, magsisilbi itong kauna-unahang pagkakataon ni Murad para dumalaw sa AFP-General Headquarters at magsagawa ng courtesy call kay Gen Galvez.

Sinabi pa ni Detoyato na naging maganda ang naging ugnayan nina Galvez at Murad nang ang heneral pa ang namumuno sa AFP-CCCH (Coordinating Committee on Cessation of Hostilities).

Inihayag ni Murad na siyento porsiyentong sinusuportahan nito ang isinusulong na Bangsamoro Organic Law nang minsan siyang dalawin ng pamunuan ng AFP sa Camp Dara­panan noong nakalipas na buwan.

Para naman kay AFP Spokesman Bgen Edgard Arevalo,  ang  reciprocal visit  ni Murad  ay upang mapatatag ang tiwala  ng mga ito sa liderato ng Sandatahang Lakas at sa gob­yerno sa kabuuan.

Sinabi pa ni Arevalo na nagagalak sila sa mga kaganapan ngayon sa bansa, lalo pa at nagsisimula nang lumago ang ekonomiya ng bansa at ang mga tao ay humihingi ng pangmatagalang kapayapaan.

Ang pagbisita umano ni Murad ay pagpapakita ng laki ng tiwala sa isa’t isa, the level of sincerity, at extent of trust na ibinibigay ng AFP at ng MILF sa isa’t isa.

“If only the CPP-NPA can show the same sincerity to the talks and fidelity to the peace agreements that the MILF says and does, we could have a lasting peace to bequeath to the future generation of Filipinos,” ani Atty Arevalo.     VERLIN RUIZ

Comments are closed.