MILYON-MILYONG mga tahanan sa bansa ang walang maayos na palikuran, na ayon sa Department of Health (DOH) ay isa sa dahilan ng pagkalat ng iba’t ibang karamdaman, gaya ng polio.
Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, umaabot sa 3.5 milyong tahanan ang nangangailangan ng sanitary toilets sa bansa.
Sa naturang bilang, malaking porsiyento o halos karamihan ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR).
“NCR talaga ang pinakamadami ‘no. Out of the 3.5 million na kailangan na toilets, ang big majority nu’n sa NCR. Toilet ng mga pamilya at bahay ito. Talagang maraming families ang walang sanitary toilets,” ani Domingo.
Paliwanag ni Domingo, malaking problema talaga ang open defecation dahil nagiging sanhi ito ng karamdaman.
Isa aniya sa mga sakit na maaaring maikalat sa pamamagitan ng dumi ay ang polio.
“Yung open defecation kasi is really a problem. This (polio) is one of the diseases na nag-e-emerge kapag may open defecation saka yung ating waste disposal ay maaring ma-contaminate ang ating water supply,” aniya pa.
Sa ngayon aniya ay inaalam na ng DOH kung paano masosolusyunan ang naturang problema.
“So, the Department of Health is now checking kung paano natin i-a-allocate together with the LGUs, ‘yung mga regional offices natin to make sure nga na ‘yung zero open defecation na goals natin ay ma meet natin,” aniya pa.
“We want to identify funds and we are working with other government agencies–DPWH na mas mabilis mag-construct ng mga septic tanks. We want to work with them para mapabilis yung ating pagtayo ng mga toilet,” ani Domingo.
Matatandaang una nang kinumpirma ng DOH na muling nagbabalik ang sakit na polio sa bansa, matapos ang may 19-taong pagiging polio-free.
Dalawang paslit ang kumpirmadong nabiktima ng sakit, kabilang ang isang 3-year old girl sa Lanao del Sur na hindi nabakunahan at isang 5-taong gulang na batang lalaki na mula naman sa Laguna. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.