NANAWAGAN kay Pangulong Duterte ang mahigit isang milyong mga kawani ng Small Town Lottery sa buong bansa na payagan na silang maghanapbuhay upang hindi sila maging pabigat sa gobyerno ngayong panahon ng pandemya.
“Kung ang lotto outlets ay inyo na pong pinayagan magbukas na iilang libo lamang po ang empleyado, makatuwiran lang pong hilingin namin ang parehong pagtrato sa STL-AACs na mayroong mahigit milyong tauhan na umaasa ng kanilang pang-araw araw na pangangailangan,” mariing pahayag ng bet collectors sa Calabarzon.
Sa updated na talaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay umaabot lamang sa mahigit 7,000 ang lotto outlets sa bansa na may tinatayang 14,000 empleyado, o dalawang teller sa bawat outlet.
Wala namang malinaw na lista ang PCSO hinggil sa kabuohang bilang ng mga nagtatrabaho sa halos 70 lisensiyadong STL operators sa bansa, maliban sa pagtayang bawat AAC umano ay libo-libong tauhan ang umaasa ng marangal na pinagkakakitaan.
“Dito pa lang sa amin sa Calabarzon ay mahigit 30,000 na ang taong umaasa sa lehitimong palaro ng lokal na loterya,” ayon sa isang ACC na nakiusap na ‘wag nang banggitin ang kanyang pagkakakilanlan.
Ayon sa kanya ay isang malaking palaisipan sa kanilang mga nagpapalaro ng legal ang hindi pagbigay ng pahintulot na sila’y muling makapagbukas, samantalang ang lotto operations ay pinapayagan na.
“Palaging sinasabi sa opisina ng PCSO na maghintay lang ng go signal at kanilang isinasangkalan ang umano’y hindi pag-aksiyon ni Pangulong Duterte sa aming kahilingan. Pero naniniwala kaming hindi pahihintulutan ng Pangulo na kami ay maging palaasa sa tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng SAF kung kaya’t kami ay kanyang papayagang magbukas kalakip ang kondisyong susunod kami sa lahat na pinaiiral na panuntunan ng IATF ‘tulad ng social distancing, pagsuot ng face mask at face shield at palagiang paghugas ng kamay at paggamit ng alkohol,” dagdag nyang pahayag.
Kanya pang ipinaliwanag na hangga’t hindi pinapayagan ng gobyerno ang legal na laro ng mga lehitimo at lisensiyadong operators ng numbers game ay pagkakataon ito na palaging sinisilip ng mga ilegalista.
Sinabi naman ng isang STL-AAC officer sa Northern Luzon, na ngayon ay isa nang mambabatas, na “hindi na namin kailangan na umasa sa ayuda ng gobyerno ‘gaya ng SAF kung kami ay payagan lamang ng gobyernong buhayin namin ang aming sarili sa pamamagitan ng marangal na hanapbuhay ‘tulad ng legal na loteryang lokal, at least makababawas na sa pasanin ng national at local governments ngayong pandemya.”
Comments are closed.