TINANGGAP kamakailan ng Mindanao Container Terminal (MCT), ang container terminal ng International Container Terminal Services, Inc. sa Misamis Oriental, ang dalawang Mitsui hybrid rubber tired gantries (RTG) cranes mula sa bansang Hapon – ang kauna-unahang hybrid yard equipment para sa operasyong pantalan sa Mindanao.
Ang MTC ay isa sa mga lokal na sangay ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) na nagpapaunlad, namamahala, at nagpapatakbo ng container terminal sa PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental sa Pilipinas.
Nagbibigay ito ng pangkalahatang operasyong pantalan at sinusuportahan ang mga agro-industrial na sektor ng Pilipinas sa Mindanao pati na rin ang internasyonal na katayuan ng bansa bilang nangunguna sa sariwa at de-latang kalakalan ng pinya.
Pinapalawak ng mga bagong dating na kagamitan ang RTG fleet ng MCT sa anim at mas pinapataas pa ang yard productivity at pangkalahatang kahusayan o efficiency ng terminal na hindi nakadaragdag sa carbon footprint nito.
Ang Mitsui hybrids ay pinapagana ng isang kumbinasyon ng isang lithium-ion na baterya at isang mas maliit na makinang diesel, hindi tulad ng mga pangkaraniwang RTG na 100 porsiyento ay tumatakbo sa fossil fuel.
“Ang mga bagong hybrid na RTG ay ginagawang mas mahusay pa ang aming operasyon at kasabay nito ay mas maalaga sa kalikasan dahil sa pinababang emisyon sa hangin, at nagpapahintulot sa amin na maabot ang aming mga target sa pagiging produktibo at mas sustainable. Kami ay bumili rin ng mga karagdagang kagamitan upang mas matugunan ang aming pangangailangan sa mas malaking kapasidad,” sabi ni Aurelio Garcia, MCT general manager.
Nakatakda rin ang MCT na maghatid ng mga bagong side lifter sa taong ito upang mas mapabuti pa ang kakayahan ng terminal sa pagserbisyo ng mga sasakyang-pandagat, bumili rin ang MCT ng mobile harbor crane na darating sa unang kalahati ng taong 2023.
Daragdagan nito ang dalawang kasalukuyang quay crane ng MCT na kayang hawakan nang sabay-sabay ang dalawang mahahabang barko.
Ang pagbili ng mga bagong equipment ay dumating matapos ang 100-metrong berth extension at paglalagay ng mga dolphin mooring at inland bollard noong 2020.
Ang mga pagpapahusay na ito ay nakatuon lahat sa pagtugon sa pagtaas ng volume sa Misamis Oriental at pangangailangan sa serbisyo habang ang pandaigdigang ekonomiya ay unti-unting nagsisimulang makabangon mula sa epekto ng pandemya. VICKY CERVALES